Itinigil na ng mga awtoridad ang search and rescue operation para sa nawawalang hiker sa Mt. Kalatungan sa bayan ng Pangantucan, Bukidnon.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nawawala si Alkharj Zamayla mula pa noong Hunyo 12, 2026 habang nagti-trail hiking sa bundok.
Matapos ang 11 araw na paghahanap, pormal nang tinapos ng incident management team ang operasyon noong Biyernes, Hunyo 26.
Isinagawa ang pagtigil sa operasyon batay sa rekomendasyon ng incident management team na pinamunuan ng Bukidnon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng lokal na pamahalaan ng Pangantucan.
Batay sa pinakahuling ulat, sinabi ng pulisya na wala silang nakitang anumang palatandaan sa bundok na nagpapahiwatig na nasa mapanganib o nangangailangang sitwasyon si si Zamayla.
Gayunman, sinabi ng pulisya na magpapatuloy pa rin ang kanilang monitoring kaugnay sa insidente. – FRJ GMA News
