Malungkot ang naging wakas sa paghahanap sa babaeng dalawang-taong-gulang na siyam na araw nang nawawala matapos na matagpuan ang kaniyang bangkay na walang saplot sa Catbalogan City, Samar.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng bata sa liblib na lugar sa Barangay Lobo, nitong Linggo ng hapon.

Ini-report na nawawala ang bata na residente ng Barangay San Andres noong July 25.

Hinala ng isang opisyal ng barangay, maaaring itinapon lang sa lugar ang katawan ng bata na nagsisimula nang maagnas.

Isinailalim sa awtopsiya ang mga labi ng bata para malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. – FRJ GMA News