Isang menor de edad na Grade 11 student sa Caloocan ang namatay matapos na manlaban daw sa mga pulis. Ngunit sa isang CCTV footage, makikita ang umano'y dalawang pulis na hawak ang isang tao na sinasabing ang binatilyo. Sa ilalim ng batas, ano nga ba ang pananagutan ng isang menor de edad kapag nasangkot sa isang krimen o kaso?

Sa segment na "Kapuso sa Batas" ng "Unang Hirit," tinalakay ni Attorney Gaby Concepcion ang batas tungkol sa mga menor de edad na nasasangkot sa maling gawain. Ipinunto rin niya ang mga proteksyon na dapat igawad sa mga batang tinatawag na "in conflict with the law."

Paliwanag niya, "any person less than 18 is still a child."

Sa kahit na anong sitwasyon, sinabi ng abogado na dapat mangingibabaw ang "protection of the child," alinsunod sa batas.

Sa nangyaring insidente sa Caloocan, sinabi ni Atty Gaby na bagama't may exposure ang mga pulis sa kanilang pagtugis sa mga kriminal, hindi raw "blanket license" na gamitin ang kanilang posisyon.

Gaya raw kasi ng mga sibilyan, hindi raw dapat gumamit ng labis na puwersa para manakit o nakapatay ang mga may awtoridad dahil makagagawa na rin sila ng krimen.

May tatlong paraan umano kung paano nasasangkot ang isang menor de edad sa isang kaso. Una ay kung siya ay biktima. Pangalawa kung siya ay perpetrator o "child in conflict with the law," at ikatlo, kung siya ay testigo.

Panoorin ang buong pagtalakay ni Atty. Gaby sa naturang usapin:


Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News