Kasama ang "Kapuso Mo, Jessica Soho," bumalik sa kaniyang bayan sa Marawi ang ina ni Ram-Ram upang mangalap ng impormasyon at tulong kaugnay sa nag-viral na larawan ng isa umanong Maute-ISIS child warrior kung ito nga ang kaniyang anak na pitong taon nang nawawala.

Ikinuwento ni Ginang Rohaniza Abdul Jabbar Cabugatan, na 2009 nang lumuwas sila sa Maynila mula sa Marawi para magnegosyo.

Sa Maynila, nakilala nila ang mag-asawang Salim at Sitti Melva Sabatol na taga-Jolo Sulu, at inirekomenda ang kanilang pamangkin na si Ula Arada na maging yaya ng anak nilang si Ram-Ram, na noo'y ay tatlong-taong-gulang pa lang.

hanggang sa isang araw noong July 2010, habang nagtitinda sa kanilang puwesto sa Divisoria,  nag-text umano si Ula kay Rohaniza tungkol sa mag-asawang nasa kanilang bahay at nagpakilala raw na kapatid niya at ipinapasundo raw si Ram-Ram.

Tinangay daw ng dalawa si Ram-Ram habang nasa itaas si Ula habang kumukuha siya ng gatas para sa bata.

Ngunit iba raw ang kuwento ng testigo sa kuwento ni Ula.

Ayon sa nakasaksi, alam daw ni Ula at hindi puwersahan ang ginawang pagtangay sa bata. Dahil dito, ipinaaresto niya ang yaya pero kinalaunan ay nakapagpiyansa rin dahil naibaba sa kasong "missing" mula sa "kidnapping" ang nangyari kay Ram-Ram.

Malaking dagok ang naging epekto sa pamilya ni Rohaniza sa pagkawala ni Ram-Ram. Dahil sa nangyari, nagkahiwalay sila ng kaniyang asawa, at pumanaw ang kaniyang ama.

At sa paglabas sa social media ng larawan ng umano'y batang Maute-ISIS na nasa bakbakan sa Marawi, nabuhayan ng pag-asa si Rohaniza na baka ito nga ang kaniyang anak.

Gayunman, nandoon din ang pag-aalala niya na kung ang batang terorista nga ang kaniyang anak, wala naman katiyakan kung buhay pa ito dahil sa bakbakan na nagaganap ngayon doon.

Sinamahan ng "KMJS" si Rohaniza sa kaniyang pagbabalik sa Marawi sa pag-asang makakuha siya ng impormasyon tungkol sa anak at umano'y batang Maute-ISIS.

Lumapit din siya sa militar na nangakong tutulong at mangangalap ng mga impormasyon tungkol sa pinaniniwalaang batang terorista na nasa larawan.

 Panoorin ang pagpupursige ni Rohaniza upang muling makapiling ang anak:


Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- FRJ/KVD, GMA News