Kapag nauwi sa hiwalayan at hindi sa forever ang pagsasama ng mag-asawa, hindi lang ang mga naipundar nila ang kanilang paghahatian, kung hindi maging ang kanilang pagkakautang o liabilities.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News TV "News To Go," nitong Lunes, sinabing tinatayang nasa mahigit 1,000 ang ikinakasal sa bansa araw-araw.

Pero isa sa bawat 36 na kasalan umano ang nauuwi sa hiwalayan.

WATCH: Magkano ang gastos sa isang annulment case?

Kabilang dito si Mariel, hindi niya tunay na pangalan, na tuluyang nakipaghiwalay sa asawa matapos ang 15 taong pagsasama.

"There's economic abuse, mental abuse," aniya. "I wanted to save my children, because they are starting to rebel."

Pero hindi lang daw responsibilidad sa kanilang pamilya ang iniwan kay Mariel ng asawa, kung hindi pati ang nautang ng kaniyang mister.

Ayon sa ulat, hindi lang ang mga naipundar na ari-arian ang pinagsasaluhan ng mag-asawa, kundi pati na rin ang pagkakautang o liabilites ng bawat isa.

"During the marriage may mga personal loan siya na iniwan din niya, na hindi ko rin alam. Nagulat na lang ako nung wala na siya sa life namin, nagtatanong itong mga pinagkakautangan niya," kuwento ni Mariel.

"I think I am blacklisted from making loans, car loans or housing loans because of that," dagdag niya.

Paliwanag ng law professor at practitioner ng family law na si Atty. Nikki De Vega, madali daw sanang masolusyunan ni Mariel ang iniwang perwisyo ng asawa kung mapapawalang-bisa ang kasal nila.

"Kung hiwalay ka legally, mas madali ma-escape yung ganiyang klaseng blacklisting. Kung wala kasing formal and final court order na walang bisa na kasal ninyo, for all intents and purposes and in the eyes of the law, kasal pa kayo. So [yung] liabilities, [naka]kabit pa rin," paliwanag niya.

Sa tala ng Office of the Solicitor General noong 2016, nasa mahigit 10,000 ang naghain ng kaso para ipawalang-bisa ang kani-kanilang kasal.

Pero mahigit 500 lang sa mga ito, o wala pang limang porsiyento, ang kinatigan ng korte.

Ayon sa Family Code, kapag naghiwalay ang mag-asawa, patas nilang paghahatian ang lahat ng kanilang naipundar noong kinikilala ng batas ang kanilang kasal.

Kasama rito ang mga naipundar noon sila'y dalaga't binata pa.

Pero kung isa sa mag-asawa ang naging dahilan ng hiwalayan, sa naagrabyadong asawa mapupunta ang kinita ng kanilang ari-arian.

"Kung ikaw yung asawa na you committed, you engaged in bad faith practices, ikaw ang ika nga guilty spouse, mapo-forfeit yung shares mo sa net income in favor of your children. Kung wala kayong anak, mapupunta sa asawa mo yun," paliwanag ni De Vega.

Ang bahay naman kung saan nakatira ang pamilya, ibibigay sa asawa at kasama ang mga anak.

"Kapag ang bata seven-years-old below, sa mother 'yon. Pero mayroon din namang instances na over seve-years-old pinapapili yung mga bata," anang abogada.

Ang pre-nuptial agreement, o kasunduan bago pa ikasal ay maagang inilalatag at pinag-uusapan ang hatian ng ari-arian. Layun nito na nakaiwas sa masalimuot na usapan kapag nauwi sa hiwalayan ang pagsasama.

Ang kaso, tila hindi pa ganung katanggap ang naturang sistema sa kulturang Pinoy.

Ayon sa grupong Divorce Advocates of the Philippines, mapadadali ang hiwalayan ng mag-asawa na ayaw nang magsama sa pamamagitnan ng diborsyo, na ilang beses nang bigong makalusot sa Kongreso.

"Wala nang pahirapan. Kapag gusto mo nang mag-divorce at nag-agree naman yung isa, eh di divorce na kayo. Equal 'yung property, ang hatian," paliwanag ni Melody Alan, ng Divorce Advocates of the Philippines.

Pero sa diborsyo man o hindi, ang pagpapawalang-bisa ng kasal ay isang masalimuot na usapin.

"Ito yung malaking paghamon sa batas natin na ukol sa pamilya, na angkop pa ba siya? Sumasabay pa ba siya sa panahon? Those are contentious matters na hindi nasasagot ng current laws natin," ayon kay De Vega. -- FRJ, GMA News