Sa isinagawang pagsisiyasat ng GMA News Research, natuklasan na halos 7,000 pabahay ng gobyerno para sa mga pulis at sundalo na ginastusan ng mahigit P2 bilyon pondo ang nakatiwangwang lang umano at unti-unting nasisira sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Sa special report ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mayroong hindi bababa sa limang housing projects na may halos 7,000 housing units na hindi napakikinabangan kahit ilang taon na nang nakatayo.

Kinabibilangan ito ng Kagitingan Heights sa Zamboanga del Sur (1,350 units); Hermosa Ville sa Bataan (1,000 units); Mountain Breeze Residences sa Bukidnon (1,388 units); Sea Breeza Residence sa Batangas (1,109 units); Guardian Hills sa South Cotabato (1,208 units); at San Benito Plains sa La Union (844 units).

Ang  housing units sa Kagitingan Heights, umabot umano sa P409 milyon ang inilaang pondo para maipatayo.

Aabot lang sa P205 kada buwan ang hulog ng pulis o sundalo sa pabahay na tatagal ng hanggang 30 taon kung nasa aktibong serbisyo pa siya.

"Sa tagal na walang nakatira ninanakaw na ang mga gamit gaya ng window, jalousie, lababo," ayon sa caretaker ng pabahay ng Kagitingan Heights.

Ganito rin umano ang nangyari sa 1,000 units sa Hermosa Ville na nagkakahalaga ng P335 milyon ang halaga ng proyekto.

Ang alkalde ng Hermosa na si Jopet Inton, dati na raw idinaing ang mga bakanteng pabahay sa kaniyang lugar na hindi napakikinabangan at unti-unti nang nasisira ang mga unit.

Paliwang ng National Housing Authority, mas mababa umano ang bilang ng mga naitayong units sa napagkasunduan ng NHA at ng developer kaya uulitin nila ang proseso ng pag-a-award sa mga ito.

"Minsan kasi ang target mo, based sa memorandum of agreement 1,500  pero ang puwede lang gawing ay 1,350. Just like in Kagitingan Hieghts. Tapos for the others naman yung sa Hermosa kung minsan 500 o 1,0000. Tapos ang available na pupuwede lang itayo 'di ba... tapos nagrere-realign kami ng budget," paliwanag ni Architect Susana Nonato, head, AFP-PNP Housing Program ng NHA.

Sa mahigit P2 bilyong inilaan na pondo ng pamahalaan para sa nabanggit na mga housing project, aabot daw sa P1.7 bilyon na ang naibayad sa mga developer.

Ang Sea Breeze Residences sa Ibaan, Batangas, na 2015 pa raw natapos at pinondohan ng P304 milyon, wala pa ring nakatira.

Ayon sa isang awardee, pinapirma daw siya ng contractor ng katunayan na kumpleto at maayos ang bahay. Pero ipinakita niyang larawan, malayo ito sa katotohanan.

Ipinakita ng GMA News kay Nonato ng NHA ang litrato at ang paliwanag niya; "Ganyan lang talaga 'yan. Tapos ilalagay ngayon yung fixtures."

Kailangan lang daw mag-abiso sa developer na handa nang lumipat ang awardee para maikabit ang mga pinto, bintana at inidoro.

Gaya sa ibang housing projects, wala ring nakatira sa 1,300 units ng Mountain Breeze Residences sa Manolo Fortich sa Bukidnon na sinimulan daw i-award noong 2015.

Bukod kasi sa walang kuryente, wala rin itong tubig.

"Mayroon kaming contract at certification to apply water and electrical. Pero pagpunta namin sa water district, hindi makapagkabit ng tubig kasi yung water pipe connection nila ay hindi pumasa sa water district," ayon kay Mela Sarip, asawa ng awardee.

Sabi naman ni Nonato; "Sabihin lang naman na mag-occupy na, then we will be the one to apply. Pipirma lang sila doon sa form ng Meralco, or to the cooperative or to the water system district. Kasama yun doon sa kumbaga tawagin namin, benefits nila."

Wala ring nakatira sa Guardian Hills sa General Santos sa South Cotabato na may 1,200 units.

Ayon sa kapitan ng barangay Bawing na si Jerry Jugarap, mukhang maliit ang pabahay na napapabayaan na at tinubuan na ng mga damo at basag-basag na ang mga salamin.

Ayon sa Philippine National Police, 100 percent awarded na ang nabanggit na pabahay pero wala pa ring nakalilipat dahil may mga kailangan pa raw ayusin sa mga unit.

Ang San Benito Plains naman sa bayan ng Aringay sa La Union, 36 pa lang ng 880 units ang natitirhan.

Ayon sa NHA, hindi maituturing na nakatiwangwang ang mga pabahay kahit na 'di tinitirhan ng awardee. Hindi rin naman daw sapilitan ang pagpapalipat sa mga awardee.

"Formal earner na talagang gusto nila magkabahay, kaso nga lang they are assigned in several areas of the country defending the land. So yun yon, meron ngang tumatawag sa akin, 'ma'am nandito ako sa Marawi yung bahay ko diyan ano ha," paliwanag ni Nonato, sabay sabing desisyon iyon ng napagkalooban ng pabahay at nagbabayad naman.

Kung unti-unti namang nasisira ang mga units na hindi pa naia-award, sinabi ng NHA na ang developer ang dapat mag-maintain sa mga ito.

"Once they accepted the unit, bahala na sila, itiner-over na namin. Mayroon kaming turn over saka moving in basis. Mayroon tini-turn over, binibigay yung susi sa kanila," paliwanag ni Nonato.-- FRJ, GMA News