Ang pagkaing Pinoy raw ang next big thing in world cuisine. Sumikat na ang Indian food at naglipana ang Thai restaurants sa buong mundo. It’s our time to shine, say ng mga food experts at top newspapers in the Western world. At nagsimula na ngang rumampa ang Pinoy food. Na-feature na ito sa New York Times at naglabasan na ang iba’t ibang mga Pinoy restawran sa Amerika.
Hindi raw kasing exotic ng Indian food o ng Thai food ang pagkaing Pinoy. Nasa Asya nga tayo, pero bakit masyadong Western ang influences? Bakit napapalibutan tayo ng mga bansang mahilig sa sili, pero sa atin, sa Bikol lamang mahilig sa maanghang?
Makakatulong ang isang libro ng Singaporean na si Bryan Koh para mas makilala ang pagkaing Pinoy. Ang title ng libro ay Milk Pigs and Violet Gold (Philippine Cookery). Ang milk pigs ay patungkol sa lechon de leche. Ang violet gold naman ay sa super sarap na ube!
Maaaring ang 30 years old na si Bryan ang unang banyagang nag-ikot sa buong Pilipinas para makagawa ng sariling cookbook. Apat na taon siyang lumibot sa mga palengke at restawran, turo-turo at kapihan, mula Aparri hanggang Zamboanga City. Kumuha rin siya ng magagandang litrato at nagsulat ng magaang na komentaryo. May glossary at index din ang libro.
Three volumes ang libro, laman ang masasarap na mga recipe mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Co-published ito ng Center for Kapampangan Studies ng Holy Angel University. Ilang beses na naming binigyan ng National Book Award sa Manila Critics Circle ang mga libro galing sa eskuwelahan na ito.
Saan nanggaling ang hilig ni Bryan sa Filipino food? Saan pa kundi sa kanyang mga yaya na Pinay. Si Lydia Baltazar ng La Union ay naging yaya nina Bryan sa Singapore noong two years old pa lamang ito. Linggo-linggong nagluto si Yaya Lydia ng adobo, sinigang, at pinakbet. Siguro’y ginawa rin niya ito para mabawasan ang kanyang kalungkutan. Malayo kasi siya sa kanyang pamilya at bayan. Iyan ay isang legacy o pamana ng mga OFWs sa kanilang mga inalagaang mga bata: ang pagmamahal sa pagkaing Pinoy, na nag-tatranslate sa pagpapahalaga sa mga bagay o usaping Pinoy.
Nang lumipat na si Canada si Yaya Lydia, sumunod naman si Evelyn Mendoza ng Laguna. Itinuloy ni Yaya Evelyn ang pagluluto ng favorite Filipino food – at dinagdapan pa ito ng mas maraming ulam na isda! Aba, healthy pala ang peg ni Yaya Lydia!
Sabi ni Bryan, “Magaling magluto ang dalawa kong mga yaya dahil nagluto sila ng may ingat at pagmamahal. Suwerte ako at maaga akong na-expose sa ganitong mga pagkain.” Hinayaan din siya ng mga yayang tumulong sa kusina. At ito ang naging pundasyon niya sa kanyang life-long love affair with Filipino food!
Layunin ni Bryan na ipakilala ang ating pagkain sa labas ng Pilipinas. Magandang launching pad ang Singapore, dahil sentro ito ng world trade at commerce. Tulad nina Dr. Doreen G. Fernandez, Amy Besa, at Claude Tayag, metikulosong ipinakita ni Bryan Koh na masarap ang ating pagkain. At dahil ang pagkain ay bahagi ng kultura, masarap din ang kulturang Pinoy!
Nagturo ng 30 taon si Professor Danton Remoto sa Ateneo de Manila University. Nakapaglimbag na rin siya ng 15 libro. Puwede siyang sulatan sa danton.lodestar@gmail.com
