Maling paniwala umano na nakababawas sa pagkalalaki at init sa pakikipagtalik kapag sumailalim ang isang lalaki sa vasectomy na isang paraan ng family planning.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng opisyal ng Commission on Population na maraming Pinoy ang may maling paniniwala tungkol sa vasectomy.
"Walang naging epekto sa kanilang sexual performance o prowess [kapag nagpa-vasectomy]. Actually, patuloy ka pa ring magkakaroon ng emission o ejaculation sa kuwan. Ang mawawala lang, 'yung sperm na nagli-lead to pregnancy," paliwanag ni Dr. Juan Antonio Perez III, Executive Director, Commission on Population.
Batay sa tala, tatlo lang ang nagpa-vasectomy sa PopCom nitong Mayo at 10 ang binigyan ng condom. Habang ang mga babae, dose-dosena ang nagpalagay ng IUD at implant, nagpa-injectables at oral contraceptive, na kabilang din sa paraan ng family planning.
Sa isinagawang National Demographic Health Survey noong 2017, lumitaw sa isinagawang survey sa mga may-asawa na wala sa kanila ang nagpa- vasectomy bilang family planning method.
Hinihina na isa rin ang relihiyon sa mga posibleng dahilan kung bakit hindi marami ang nagpapa-vasectomy. Tutol ang Simbahang Katolika sa vasectomy dahil labag ito sa mga turo ng simbahan at pumipigil sa "procreation."
Ang grupong Pro-Life, kontra sa vasectomy at anumang family planning method na hindi sa natural na paraan.
"This [vasectomy] is unnatural. This is against our belief that touching, like cutting, removing of any part of our body is what we call mutilation and mutilation is really wrong," paliwanag ni Dr. Reynaldo Echavez, miyembro, Pro Life/Advocacy Chair, Doctors for Life.
Ayon sa PopCom, ligtas ang magpa-vasectomy at simple lang ang operasyon kung saan puputulin lang ang daluyan ng semilya o ang "vas deferens ."
Sa liit ng sugat na malilikha sa operasyon, adhesive bandage o parang band aid lang ang ilalagay.
Gayunman, ayon sa World Health Organization, maaaring makaranas ng komplikasyon sa vasectomy tulad pagdurugo o impeksiyon. May ilan din daw na nagsabi ng pananakit ng scrotum.
Paliwanag naman ng opisyal ng Philippine Urological Association, sa ibang bansa, hanggang 400,000 na mga lalaki ang nagpapa-vasectomy kada taon. At halos wala umano silang inuulat na negatibong side effect pagkatapos ng naturang operasyon.
"Ang complication rate ng vasectomy is as low as zero to 2 percent. Ang complication ng vasectomy would be kuwan lang, bleeding doon sa ano, sa operasyon site," saad ni Dr. Samuel Vincent Yeastorza, Urologist.
Ayon sa ulat, maaaring pumunta sa PopCom ang mga interesadong magpa-vasectomy at libre ang operasyon kung sa klinika nila ito gagawin.-- FRJ, GMA News
