Inihayag ng mga nananaliksik mula sa University of Santo Tomas (UST) na natuklasan na ang "polysaccharides" mula sa "pukpuklo," isang uri ng seaweed o Codium species, ay posibleng maging mabisang panlaban sa cancer cells at sa pagkalat nito.
Sa isang pahayag ng Department of Science and Technology (DOST), ang pukpuklo, kilala at paboritong Ilokano dish, is nadiskubreng kayang labanan ang mapaminsalang "enzymes" na tumutulong sa "metastasis" o sa pagkalat ng cancer cell sa iba pang bahagi ng katawan.
Ayon kay Dr. Ross Dizon Valquez, namumuno sa pananaliksik, bukod sa potensiyal na anticancer benefits, posible rin umanong makatulong ang pukpuklo para maging malusog ang balat.
Sinusuri din umano ng mga dalubhasa ang posibilidad na mayroon ding panlaban sa anti-aging ang pukpuklo.
Nakukuha mula sa lalawigan ng Ilocos Norte, Aklan, Iloilo at Cagayan, ang Codium species ay hitik rin umano sa dietary fiber, amino acids, at minerals.
Gayunman, kailangan pa umanong magkaroon ng marami pang pag-aaral sa Codium para masuri pang mabuti ang benepisyong medikal na makukuha rito.
Pinondohan ng Department of Science and Technology-National Research Council ng Philippines (DOST-NRCP), ang naturang pananaliksik ay inihayag din sa "The Values of Philippine Flora and Fauna" symposium ng ahensiya.
Sa naturang symposium, ikinatuwa ni Dr. Irene V. Fariñas ng Department of Health (DOH) ang resulta ng pagsusuri na posibleng maging gamot sa cancer ang Codium.— FRJ, GMA News
