Dahil sa kondisyon na hydranencephaly, lumaki ang ulo ni baby Danilo Tactacan, Jr. at naapektuhan na rin ang kaniyang paningin. Paano kaya nila hinaharap ng kaniyang mga magulang ang matinding pagsubok na ito sa kanilang buhay.

Sa programang "Tunay Na Buhay," makikita ang matiyagang pag-aalaga ng inang si Michelle Palabon kay baby Danilo, na madalas umanong umiiyak dahil sa kaniyang kalagayan.

Sa tuwing umiiyak, inilalabas ni Michelle si baby Danilo ng bahay at saka padededehin para tumahan.

Ipinaliwanag ni Dra. Elizabeth Jalbuna, Medical Officer III, Secondary Pediatric President ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center, na ang hydranencephaly ay pagkawala ng cerebral hemisphere kaya ang natitirang bahagi ng cranial cavity ay puno ng cerebrospinal fluid (CSF).

Isa itong bihirang kaso ng hydrocephalus, na may sintomas sa sanggol ng pagiging iritable, mahinang pagdede at paninigas ng mga braso at binti.

Hindi inasahan ng pamilya Tactacan ang pagkakaroon ng hydranencephaly ni baby Danilo ngunit nakita raw ni Michelle ang ilang senyales tulad ng paghihirap niya sa pagla-labor at pangingitim ng sanggol matapos niyang mailabas.

Sa kabila ng sinabi ng doktor na hindi na magiging normal na bata si baby Danilo at hindi na makakapag-aral, ayaw itong paniwalaan ni Michelle at patuloy siyang kumakapit sa pag-asa.

Hirap din sa buhay nina Michelle, at hindi sapat ang kinikita ng mister niyang si Danilo Sr. na isang factory worker.

Ngunit sa tulong ng pag-post ng isang netizen sa mga larawan ni baby Danilo Jr. sa social media, nakatanggap sila ng mga tulong.

Sa kabila ng kalagayan ng anak, ayaw isipin ni Michelle ang posibilidad na tuluyang mawawala sa kaniya si baby Danilo. Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News