Sa programang "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie," inihayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ang dating alkalde ng lungsod na si Herbert Bautista ang nag-udyok sa kaniya noon na pumasok sa pulitika.
Nagtuturo umano noon sa isang unibersidad si Joy, at bise alkalde naman nang panahon iyong si Bautista. Ang nakaupong alkalde noon, ang ama ni Joy na si Feliciano Belmonte na papatapos na ang termino.
"He [Bautista] asked me to run with him because he thought it would help him to have a Belmonte as a runningmate," kuwento ni Joy.
"Sa unang termino po namin ni Mayor Herbert Bautista, tingin ko I was in because we were runningmates kaya lang habang tumagal ang panahon, napansin po namin na magkaiba ang aming pananaw patungkol po sa aming mga trabaho," patuloy niya.
Sa siyam na taon ng pagiging alkalde ni Bautista, si Joy ang bise alkalde.
Pero nang si Joy na ang tumakbong sa alkalde ng lungsod nitong nakaraang halalan, ibang kandidato umano ang sinuportahan ni Bautista.
"Kadulu-duluhan naghiwalay na kami, hindi na po ako ang kaniyang sinuportahan bilang mayor ng lungsod ng Quezon," ayon kay Joy.
Hindi rin inaalis ni Joy ang posibilidad na may mga taong hindi siya nais magtagumpay bilang alkalde para isang termino lang ang itatagal niya sa lungsod.
Tunghayan ang buong panayam at kilalanin si Mayor Belmonte sa video na ito:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
