Pagdating sa usapang pakikiapid, tila mas dehado raw sa batas ang mga may asawang babae na mahuhuling may ibang lalaki. Ang mga mister kasi na mahusay magtago ng kanilang kalaguyo, hindi raw basta-basta puwedeng kasuhan.

Sa “Kapuso Sa Batas” ng GMA News "Unang Balita,"  nilinaw ni resident lawyer Atty. Gaby Concepcion, na iba ang treatment sa mga lalaki at mga babae pagdating sa pakikiapid sa hindi nila asawa.

Sa batas, “adultery” ang tawag sa pakikipagtalik ng isang kasal na babae sa isang lalaki na hindi niya asawa. Samantalang “concubinage” naman ang tawag sa pakikipagtalik ng isang kasal na lalaki sa babaeng hindi niya asawa.

Pero ang isang lalaki na nakipagtalik sa babaeng hindi niya asawa ay hindi raw guilty ng anumang krimen.

Para maging guilty ang isang may asawang lalaki ng “concubinage,” kailangan ay nakikisama o “living together” sila ng kaniyang mistress bilang husband and wife.

Kung hindi naman, isa pang kondisyon ay kung nakikipagtalik sila sa isang “conjugal dwelling” sa bahay nila ng kaniyang legal husband o wife.  Puwede rin magtatalik sila sa ilalim ng “very scandalous circumstances,” tulad nang nakikita ng kanilang mga kapitbahay.

“So kung very discreet ang husband at patago niya na binabahay ang kaniyang mistress at binibisita lamang from time to time or even under the cover of darkness, maituturing na wala siyang krimen na ginagawa,” paliwanag ni Atty. Gaby.

“So medyo unfair talaga ang ganitong status ng batas natin sa ngayon,” dagdag niya.

Gayunman, maaari pa ring mapatunayan ang akto ng pagtatalik sa ibang ebidensiya, tulad halimbawa kung kung nakunan ang babae at kaniyang lover na papasok sa isang motel at nakuha rin ang kanilang paglabas, na ayon sa korte ay malamang mayroon pa silang ibang ginagawa.

Tinalakay din na kung halimbawang nagkaroon ng anak ang legal na asawa sa isang lalaking kabit, dapat i-contest ng legal na asawang lalaki ang paternity ng anak sa proseso na “impugning the legitimacy of the child within one year from birth.”

Dahil kung hindi, magiging “legitimate” niyang anak ito na kailangan niyang kilalanin at posibleng sustentuhan, at puwede pa itong maging kaniyang tagapagmana.

Panoorin ang buong talakayan, kabilang ang parusa ng batas sa adultery sa video sa itaas.--FRJ, GMA News