Nag-viral kamakailan ang post ng isang anak na nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa pagsisikap ng kaniyang amang basurero. Tunghayan sa video na ito ng "Wish Ko Lang" ang kahanga-hangang kuwento ng responsableng ama na si Mang Juanito.
Dating taxi driver si Mang Juanito, pero natigil siya sa pamamasada nang nagkaproblema siya sa mata. Pero kailangan pa rin niyang kumayod para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak na nag-aaral pa.
Kaya naman sinikap niyang maghanap ng ibang trabaho pero nahirapan na siyang matanggap dahil na rin sa kaniyang kalagayan. Hanggang isang araw, naisipan niyang mangalakal na lang ng basura upang may pagkakitaan sa legal na paraan.
Ngayon, 13 taon na siyang namamasura at kahit papano’y nasuklian naman daw ang kaniyang pagsusumikap dahil nakapagtapos na sa kolehiyo ang panganay niyang anak.
Dahil sa kaniyang naging hanapbuhay, hindi naiwasan na makatanggap ng mga pangungutya ang kaniyang anak mula sa ilang kaklase.
Ngunit kahit nandidiri ang iba sa pagiging basurero ni Mang Juanito, hindi naman ito ikinahihiya ng kaniyang mga anak dahil alam nilang marangal ang hanapbuhay ng kanilang responsableng ama. --FRJ, GMA News
