Pagdating sa mga bata, nangyayari minsan na mayroon silang kinakausap na hindi nakikita ng kanilang mga magulang, na kung tawagin ay "imaginary friend." Pero papaano nga ba malalaman kung kathang-isip lang ng bata ang kanilang kalaro o sadyang may kausap talaga sila na kakaibang nilalang?
Sa programang "Mars Pa More," ipinaliwanag ni Jinky Amores, counseling psychologist at parapsychologist, na sa pananaw ng sikolohiya, mayroong talagang "imaginary playmate" na bahagi ng pagiging isang bata.
Ibig sabihin nito, mayroon silang nalilikhang iba't ibang karakter sa kanilang isipan. Pero kapag consistent ang bata at iisa lang palagi ang kanilang paglalarawan at paulit-ulit sa oras at lugar kung saan nila ito kinakausap, , maaaring hindi na ito "imaginary playmate."
Paliwanag ni Amores, maaaring ang kakaibang nilalang na kausap na ng bata ay isang "spirit guide" na friendly, o at maaari ding maging masamang "entity" na puwedeng magdulot ng sakit at takot sa bata.
Kung mangyaring may nakausap na "entity" ang bata, kailangang magdasal ang magulang para magsilbi itong proteksyon o "shield" sa bata. Bukod dito, dapat ding sabihin ng mga magulang sa kakaibang nilalang na sila ang nagmamay-ari sa bata na kaniyang ginagambala.
Kuwento ni Amores, isang pinakamalala aniyang naranasan bilang parapsychologist, ang pagkawala ng isang bata dahil kinuha ng entity at napunta sa ibang dimensyon.
Panoorin ang video sa itaas kung paano tutulungan ang bata sakaling makaranas ng mga nakakatakot, mapa-imahinasyon man o totoong engkanto.--FRJ, GMA News
