Idinulog ng isang babae sa "Sumbungan ng Bayan" ang usaping legal tungkol sa kanilang hipag na nais umanong makuha bilang mana ang property ng namayapa nitong asawa. Ang problema, natuklasan nila na may una na palang pinakasalan ang kaniyang hipag.

Nang lumapit ang babae na itinago sa pangalang Nora, sa idinaos na libreng konsultasyong legal ng "Sumbungan ng Bayan"noong Setyembre sa pakikipagtulungan ng DZBB Trabaho Negosyo Fair sa Antipolo, ipinaliwanag niya na ikinasal ang kaniyang hipag, na itinago sa pangalang Maria, sa kaniyang kapatid na si Andres, 'di tunay na pangalan, noong Abril 1994.

Pero natuklasan daw nila na ang kaniyang hipag na si Maria ay kasal pala sa una nitong asawa noong Disyembre 1985.

Sabi pa ni Nora, nang pumanaw si Andres noong taong 2014, ipinipilit daw ni Maria ang karapatan sa ari-arian na naiwan ng kaniyang kapatid.

"Gusto niya po na mapunta sa kaniya yung property ng aking kapatid. Ang problema nga po yung pagka-legal ang hinahanap namin. Wala naman pong anak yung aking kapatid. Hindi naman po kasi namin alam na kasal pala siya sa una niya [na asawa]," paliwanag ni Nora.

Ayon sa volunteer lawyer ng "Sumbungan ng Bayan" na si Atty. Jhoel Raquedan,  walang bisa ang kasal ni Maria kay Andres.

"As it turned out yung kasal is bigamous. Therefore, yung asawa will not inherit anything. Will not have any right over the property of the husband because the marriage was null and void," paliwanag ng abogado..

Sa usapin umano ng mana, tanging mga anak lang daw ang may karapatan kahit hindi kasal ang kanilang mga magulang.

"Kung may anak siya doon sa pangalawang asawa niya, puwedeng magmana ‘yun doon sa ama. Under the law naman, kahit illegitimate, may makukuha basta kadugo," paliwanag pa ni Raquedan.

Pero kahit may karapatan ang mga kapatid ni Andres na paalisin sa kanilang ari-arian si Maria, sinabi ni Raquedan na kailangan pa rin itong dumaan sa tamang proseso.

"Unlawful retaining because at first the wife was granted the right to stay there noong buhay pa yung asawa niya. And then, that permission is being withdrawn dahil patay na. You have to go to the court ask for an ejectment and a court order then eject the person from the property," payo ng abogado.

Ngayong napaliwanagan na si Nora, alam na raw nila ang nararapat nilang gawin sa kaniyang hipag.

"Puwede naman siyang umano doon kaya lang hindi niya puwedeng angkinin," ayon kay Nora.--FRJ, GMA News