Dahil sa sobra niyang bigat noon, hindi malilimutan ni Irene Delima ang karanasan niya nang mapigtas ang takong ng kaniyang sapatos nang mag-abay siya sa kasal ng kaniyang kapatid.  Pero ang dating 203 pounds, 128 pounds na lang ngayon dahil sa kaniyang determinasyon. Alamin kung papaano niya ito nagawa.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Irene na nang mapigtas ang takong ng kaniyang sapatos, wala siyang nagawa kundi kumapit sa kaniyang partner.

Tabain aniya ang kanilang pamilya, kaya hindi mapigilan ni Irene ang kumain. Ito na ang kaniyang naging stress reliever sa mga school projects at thesis, kung saan ginagawa rin niyang meryenda ang kanin.

Pagka-gradute noong 2013, obese class 2 na sa edad 19 si Irene, na naging madaling hingalin at sakitin.

Nang magtrabaho na siya, mas tumaas pa ang kaniyang timbang.

Dahil dito, hindi naranasan ni Irene na makabili ng mga gusto niyang damit dahil lagi siyang naghahanap ng XXXL. Hindi rin siya nakasasama sa hiking ng kaniyang kaibigan.

Noon namang kasal ng kaniyang kapatid noong 2013, nahirapan din siya sa paghahanap ng damit at kailangan pa niyang magpatahi. Hindi na aniya nagustuhan ni Irene ang kaniyang hitsura.

Pero natakot daw siya nang malamang niyang may prehypertension na siya at kailangan niyang magkaroon ng maintenance na gamot.

Mula noon, sinimulan na niya ang kaniyang fitness goals.

Matapos ang pitong buwan, naging 128 pounds na lang ang dati niyang 203 pounds sa height niyang 5'3.

Panoorin ang diet at workout plan ni Irene na naging epektibo para mabawasan ng 75 pounds ang kaniyang timbang.

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--FRJ, GMA News