Sa ilalim ng Family Code, kinikilala ng korte na hati dapat ang legal na mag-asawa (kasal) sa mga ari-arian na kanilang naipundar. Pero papaano kung hindi naman sila kasal at magkasintahan pa lang? Kanino mapupunta ang binili nilang mga gamit kapag naghiwalay sila?

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," isang babaeng netizen ang humingi ng payo tungkol sa motorsiklong binili nila ng kaniyang dating nobyo na nagkakahalaga ng mahigit P100,000.

Paliwanag ng babae na nagtatrabaho sa ibang bansa, usapan nila ng kaniyang nobyo na nasa Pilipinas na hati sila sa pagbabayad sa naturang motorsiklo, na nakapangalan o nakarehistro sa lalaki.

Pero pagkalipas ng dalawang taon, naghiwalay na sila.

Kaya nais malaman ng babae kung may karapatan ba siya na kunin ang motorsiklo lalo't natuklasan niya na siya lang pala ang nagbayad sa sasakyan.

Ayon pa sa babae, mayroon siyang katibayan na magpapatunay na siya lahat ang nagbayad sa motorsiklo.

Sa tanong ng babae kung may karapatan ba siya na bawiin ang motorsiklo kahit hindi sila kasal at nakarehistro sa nobyo ang sasakyan, ang sagot ni Atty. Kristjan Gargantiel-- mayroon.

Paliwanag ng abogado, kahit hindi kasal ang babae at lalaki, kinikilala pa rin sa batas ang "property relationships" nila.

Iyon nga lang, kung may partikular na gamit na gustong kunin ang isa sa kanila matapos nilang maghiwalay, kailangan niyang magpakita ng katibayan na siya ang tanging may karapatan sa naturang bagay.

Sa kaso ng babaeng gustong makuha ang motorsiklo na nakapangalan sa kaniyang nobyo, sinabi ni Gargantiel, na maaaring gamitin ng babae ang mga papel na hawak niya kung nagpapadala siya ng pera sa lalaki para ipambayad sa naturang sasakyan.

At dahil wala pang P200,000 ang halaga ng motorsiklo, sinabi ng abogado na maaaring idulot ng babae ang reklamo sa Small Claim's Court.

Panoorin ang buong talakayan at paliwanag ni Atty. Gargantiel tungkol sa usapin sa video ng "Sumbungan ng Bayan."

--FRJ, GMA News