Kahit maliit at simple lang ang bahay-kubo ng pamilya Jumantoc sa isla ng Kinatarcan sa Cebu, kasya rito ang maraming tao. Ang dahilan, ang sekretong itinatago sa loob o ilalim nito.

Sa loob kasi ng bahay-kubo, may daan paibaba patungo sa isang underground cave o underground river na napakalinis ng tubig.

Nasa 29 siyam na baytang ang hagdanan patungo sa underground river na puwedeng pagpaliguan o mag-swimming.

Mayroon din ditong mineral clay o putik na ipinapahid sa balat para umano kuminis ang kutis.

Ayon sa pamilya, hindi raw nagbabago ang lagay ng tubig sa loob ng kuweba kahit pa magkaroon ng bagyo.

Aksidente raw nadiskubre ang underground cave nang magpagawa ng balon ng pamilya para may pagkukunan sila ng tubig na puwedeng inumin.

Habang naghuhukay, nagtuloy-tuloy umanong lumusot sa ilalim ng lupa ang gamit nilang panghukay.

Upang malaman kung ano ang nasa ilalim, nagpatuloy sila sa paghukay hanggang madiskubre na nila ang kuweba.

At para hindi basta-basta mapapasok ang underground cave sa kanilang bakuran, tinayuan nila ng bahay-kubo ang pinakabunganga nito at nilagyan ng kandado.

Pero bukod sa underground cave, may isa pang nadiskubre ang pamilya sa loob nito--isang malaking kabibe na pinaniniwalaan na may laman sa loob na giant perlas.

Mayroon nga kayang nakatagong giant perlas sa naturang kabibe? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News