Bata pa lang, naging kapansin-pansin na raw kay Florine Malugon ang panunuyot ng kaniyang balat. Ito ay bunga ng kondisyon na tinatawag na Lamellar Ichthyosis.
Ngayon, 22-anyos na si Florine. Ang kaniyang balat sa buong katawan, pati na sa mukha, braso at kamay, tila nagkakabitak-bitak na tila kaliskis.
Sa programang "Dapat Alam Mo," inihayag ng dalaga na lalong tumitindi ang sakit na nararamdaman niya sa balat kapag mainit ang panahon.
Kasama rin sa epekto ng Lamellar Ichthyosis ay hindi pinagpapawisan si Florine.
Paliwanag ng dermatologist na si Dr. Winlove Mojica, ang kondisyon ni Florine ay nagdudulot ng matinding pangangapal ng balat.
Namamana umano ang naturang kondisyon sa balat. Mayroon umanong mali sa protina ng balat na ang iba ay kulang (sa protina) kaya mali ang tubo ng balat.
"Makapal yung balat, very dry tapos nagpo-produce siya ng kaliskis, makakapal na kaliskis. At yung mga kaliskis na 'yon puwedeng magbitak-bitak, tapos magsugat-sugat yung balat," ayon sa duktor.
Ang ganitong kondisyon sa balat ay wala umanong lunas. Pero may mga paraan na puwedeng gawin para maibsan ang pinsala at maiwasan ang impeksyon.
Dapat umanong laging pahiran ng moisturizer at lotion ang balat pagkapaligo. Dapat din na ipa-check-up ang mata kung naapektuhan na rin ito ng naturang kondisyon para maiwasan ang paglabo ng paningin.
Dahil sa kondisyon niya sa balat, hindi masyadong lumalabas ng bahay si Florine. Bukod kasi sa hindi niya matagalan ang matinding init, may mga taong nangungutya sa kaniyang kalagayan.
Pero sa kabila nito, nagsisikap si Florine sa kaniyang pag-aaral upang makatapos ng kolehiyo.
Hiling ni Florine sa mga nanghuhusga, "Bago sila humusga ng tao, dapat isipin muna nila kung makakasakit ba ito o hindi. Kasi po makakaapekto 'yan sa emotional at mental health po ng taong may kapansanan."
--FRJ, GMA News
