Kung ang ibang imahen ng santo ay hinahalikan ng mga deboto, ang Our Lady of Lourdes sa Binuangan, Misamis Oriental, ipinapatong din sa ulo at balikat para magkaroon ng katuparan ang mga hinihiling katulad ng paggaling sa karamdaman.

Ang naturang pagpapatong sa ulo at balikat ng imahen ng Birheng Maria ay isang tradisyon na kung tawagin ay "patunob." 

Kabilang sa mga naniniwalang pinagaling ng milagro ng Our Lady of Lourdes ng Binuangan ay ang 53-anyos na si Celerino Zembrano.

Na-stroke si Celerino noong 2019 at nanumbalik ang kaniyang lakas matapos na maniwala na kaya siyang pagalingin ng Our Lady of Lourdes.

Umiiyak na ikinuwento ni Celerino na linggo-linggo siyang dumadalo sa healing mass at naliligo sa healing pool na makikita rin sa shrine.

Ayon sa matandang tradisyon, mananatiling sagrado ang healing ritual kung nakasuot ng palda ang mga healer at nananalangin-- lalaki man o babae.

Sinabi ni Rev. Fr. Remel Mag-usara, na may inuusal na dasal ang mga caretaker ng Birhen Maria kapag ipinapatong ang imahen sa ulo at balikat ng mananampalataya.

Si Patricia Bajao, isa sa mga caretake sa Our Lady of Lourdes, at 40 taon nang deboto.

Naniniwala rin si Patricia na ang Our Lady of Lourdes din ang nakapagpagaling sa kaniyang iniindang sakit sa ulo.

Bukod sa mga may karamdaman, dumadayo rin umano sa shrine ang iba pang may kahilingan tulad ng mga kumukuha ng exam at mga nais na mabiyayaan ng anak. -- FRJ, GMA News