Isa ang Halloween sa mga inaabangang selebrasyon iba't ibang panig ng mundo. Tipikal itong kilala sa mga nakatatakot na costumes, mga nakakapanindig-balahibong kuwento at siyempre, ang trick or treat. Pero saan at paano nga ba ito nagsimula?

Sa programang “iJuander,” sinasabing pinaniniwalaang nagmula ang selebrasyon ng Halloween sa “Samhain” — isang pagdiriwang ng mga Celts o mga taong naninirahan sa Ireland mula pa noong taong 1,000 BCE.

Bukod sa pagtitipon at paghahanda ng pagkain, binubuksan din nila ang libingan ng mga yumao bilang simbolo ng paglalaho ng harang o boundary sa pagitan ng mga mundo ng mga diyos at mga tao.

Mula rito ay ikukunsulta ng mga Celts sa mga diyos at diwata ang kanilang magiging kapalaran sa pamamagitan ng paglalaro ng “fortune-telling snacks.”

Lumipas man ang panahon, nanatili sa kultura ng mga Irish ang pagdiriwang ng nasabing tradisyon.

Parte nito ang paghahanda ng  mga pagkain tuwing Halloween tulad ng Colcannon at Barmbrack cake na nakapaloob ang iba't ibang kagamitan tulad ng singsing na pinaniniwalaan nila bilang “suwerte” at tela at stick na maaari umanong magdadala ng “kamalasan” sa makakakuha.

Ayon pa sa kulturang Irish, ang suwerte at malas ay maaari ding makaapekto sa buhay, trabaho, at pag-ibig ng isang tao. Alamin sa video ang pagbabago ng naturang tradisyon sa paglipas ng panahon. Panoorin.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News