Sa edad 68, hinahangaan ang isang “Super Lolo” sa Oriental Mindoro dahil sa mala-Bruce Lee niyang kilos at malakas na pangangatawan. Sa kabila ng kaniyang edad, flexible pa rin ang kaniyang katawan.

Sa programang “Pinoy MD,” ipinakilala si Noplito Fadriquilan, o Lolo Nulping, ng Barangay Mina de Oro mula sa bayan ng Bongabong.

Kaya niyang basagin ang bato sa pamamagitan ng karate chop, at bumutas ng bao ng niyog, sa pamamagitan ng siko.

“Natutuwa din sila at sa edad ko ay nakukuha ko pang gawin ‘yung mga kuwan na iyon,” sabi ni Lolo Noplito.

Maliban sa basagan, martial arts at palakasan ng katawan, sisiw lang kay Lolo Noplito ang kadang-kadang, o paglalakad gamit ang dalawang matataas na kahoy.

Pati sa pagpapaikot ng chaku, hindi man lang pinagpapawisan si Lolo Noplito.

Ipinagmamalaki rin niya ang kaniyang patpat exercise. Dito, makikita ang flexible niyang katawan na mala-Lastik Man dahil tila nagli-limbo rock siya sa hawak niyang patpat.

Natutunan daw niya kay Bruce Lee ang kaniyang mga ginagawang ehersisyo.

“Gawa po noong mga napapanood ko sa pelikula, kaya sinusundan ko kung paano nila ginagawa, ‘yun din ang aking ginagawa. Hanggang sa natutunan ko ‘yung mga move nila, natutunan ko ‘yung mga exercise,” sabi ni Lolo Nupling.

Ayon kay Lolo Nupling, 16-anyos lamang siya noong magsimula niyang gayahin ang kaniyang idolo, na nagsariling sikap para maperpekto ang kaniyang mga galaw.

Pero nang magkaroon ng asawa sa edad na 21, itinigil ni Lolo Nupling ang kaniyang pag-e-ehersisyo dahil naging abala na siya sa pagtataguyod sa kaniyang pamilya.

Ang bunso niyang anak ang kumumbinsi kay Lolo Nupling na bumalik sa pag-e-ehersisyo. Kaagad daw niyang napansin ang magandang epekto nito sa katawan.

Ngayon, kulang na ang isang buong araw kay Lolo Nupling kung hindi siya nakakapag-ehersisyo.

“Kapag nagtigil ay lalo bagang nanghihina. Kaya kinakailangan talaga, kasi powerful na naisip ko, medyo nabanat na naman ang mga buto at kaugat-ugatan. Dapat talaga maipagpatuloy ang exercise,” paliwanag niya.

Ayon kay Dr. Deejay Pacheco, sadyang maganda ang ehersisyo sa katawan at may malaking benepisyo rin sa buto ng tao.

“Ang isang tao merong tinatawag na bone density. It’s made out of minerals, calcium, phosphates. Ang ginagawa niya is pampatibay ng buto. Kung meron kang stress, let’s say mas mabigat ka or nagwe-weights ka, mas nagkakaroon ng mineralization ng buto, mas tumitibay ang buto. Let’s say every day mong gagawin or frequently na ginagawa mo, tumitibay ang buto,” paliwanag niya.

Sinabi ni Dr. Pacheco na hindi na madali sa edad ni Lolo Nupling ang mga ginagawa niyang ehersisyo, lalo kung unang beses pa lang susubukan. Pero dagdag niya, mas mababa ang tiyansa ni Lolo Nupling na magkaroon ng injury dahil sanay na siya sa kaniyang mga ehersisyo.

May healthy diet din si Lolo Nupling at walang bisyo.

“Talagang malimit kami rito sa mga gulay lang at prutas kasi dito sa amin. Napakamahal naman ng mga isda, karne, kaya mga gulay-gulay na lang. Dito, hindi kami umiinom ng alak at naninigarilyo,” sabi ni niya. --FRJ, GMA Integrated News