Dobleng kasiyahan ang inihahatid ng isang guro sa Misamis Occidental, para sa mga magulang ng kaniyang estudyante. Bukod sa napapasayaw at pinakakanta niya ang mga magulang, may palibreng bigas pa siya. Pero nangangamba ang guro na baka matigil ito dahil mahal na ngayon ang presyo ng bigas.

Sa Bonifacio, Misamis Occidental, nakilala ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang high shool teacher na si Jeric Maribao.

Sa umaga bago ang klase, may palibreng healthy na agahan si Titser Jeric para sa kaniyang mga estudyante. Pero bago makapasok sa classroom ang mga mag-aaral, dapat nilang sabayan sa pagsayaw at pagkanta ang kanilang energetic na guro.

Bukod sa mga estudyante, damay din sa pagiging energetic ni Titser Jeric ang mga magulang ng mga bata. Dapat din kasing sabayan ng mga parent ang sayaw at pagkanta niya para naman mabigyan sila ng libreng isang sako ng bigas.

"Ito'y isang tulong ko na rin sa mga parent para makakuha sila ng inspirasyon na magsuporta pa lalo sa kanilang mga anak sa pag aaral," ayon kay Titser Jeric.

Ginagawa ito ni Titser Jeric tuwing mayroon silang PTA meeting. Noong una, dalawa hanggang limang kilo lang ng bigas ang naibibigay ng guro sa mga magulang, hanggang sa kayanin na niyang magbigay ng tig-isang sako ng bigas.

Ipinagpapasalamat naman ng mga magulang ang bigay na bigas ni Titser Jeric lalo pa't mahirap ang kanilang buhay.

Ayon kay Titser Jeric, ang perang ibinibili niya ng bigas ay mula sa kita sa kaniyang vlog o "stars" na ibinibigay ng mga netizen. Bagay na ipinagpapasalamat niya para magawa ang kaniyang adbokasiyang makatulong.

Nangungutang daw siya sa bangko at binabayaran niya mula sa kita sa kaniyang vlog.

Pero nangangamba si Titser Jeric na baka matigil ang paayuda niyang bigas dahil na rin sa pagmahal ng presyo nito.

"I'm also a breadwinner," saad niya. "Sana maibalik na yung dating presyo noon na mura yung bigas." -- FRJ, GMA Integrated News