Apat na taong inaruga ng dalawang ina at kani-kanilang pamilya ang sanggol na kanilang iniuwi mula sa isang ospital kung saan sila sabay na nanganak noong 2019. Pero paano kaya nilang tatanggapin kung sakaling ang bata na kanilang inalagaan at napamahal na sa kanila ay hindi pala nila kadugo?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing December 2019 nang sabay na manganak ng parehong baby boy sa isang ospital sa Cagayan sina Trisha Mae Cabanes at Marissa Frugal.
Si Trisha, pinangalanan ang kaniyang anak na Liam, habang Jhon Marick o JM naman ang pangalan ng anak ni Marissa.
Ngunit si Trisha, nagkaroon na raw ng agam-agam kung si Liam talaga ang anak niya matapos na mapansin ng kaniyang biyenan na walang name tag ang baby nang ibigay sa kanila.
Bukod doon, ang lampin na nakalagay umano kay Liam, mula sa kabilang baby na si JM. At ang lampin ni JM, ay ang lampin ni Liam.
Sinubukan daw ng biyenan ni Trisha na alamin kung talagang napagpalit ang mga pero nagalit daw noon ang nangangasiwa sa mga bata.
Sa kabila nito, inalagaan at minahal pa rin ni Trisha na parang tunay na anak niya si Liam sa kabila ng mga agam-agam. Ang bata, lumaki na makulit pero ubod nang lambing.
Pero kasabay ng paglaki ni Liam, mas napansin na rin nila na tila wala umanong kahawig sa kanila ang bata ngayong apat na taong gulang na ito.
Dahil nakuha noon ni Trisha ang pangalan ni Marissa nang sabay silang manganak, sinubukan niyang hanapin ang pangalan nito sa social media.
Nang makita ang pangalan, nakita rin ni Trisha ang mga larawan ng mga anak ni Marissa, at napansin niya na ang bunsong anak nito na kaedad ni Liam, na si JM.
Kaagad na napansin umano ni Trisha ang malaking pagkakahawig ni JM sa kaniyang mister. Samantalang ang isang kapatid ni JM, nakita niyang malaki ang pagkakahawig kay Liam.
Ito na ang naging hudyat kay Trisha para padalhan niya ng mensahe si Marissa, na nagsabi naman na wala siyang kahina-hinala noon na hindi niya anak si JM.
Makumbinsi kaya ni Trisha si Marissa na isailalim nila sa pagsusuri ang kanilang mga anak para makumpirma kung tama ang kaniyang hinala na nagkapalit sila ng anak sa ospital?
Tama kaya ang tinatawag na mother's instinct ni Trisha? Panoorin ang buong ulat sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News
