Bagaman kadalasang matatanda ang tinatamaan ng sakit na hypertension o pagkakaroon ng mataas na blood pressure na dumadaloy sa ugat, sinabi ng isang doktor na wala talagang pinipiling edad ang naturang sakit.Sa panayam ng programang Unang Hirit nitong Martes, inihayag ni Dr. Benjamin A. Balmores Jr., vice president ng Philippine Society of Hypertension, ipinagdiriwang ngayon ang National Hypertension Awareness Month.Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), inihayag ng programa na pang-anim ang hypertension sa mga pangunahing sakit na dahilan ng kamatayan sa Pilipinas noong 2024.Ayon kay Balmores, bagaman kadalasang nakikita sa matanda ang hypertension, sinabi niya na mayroon na ring pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng naturang sakit sa mga mas bata.Inihayag ng doktor na pagkakaroon ng hypertension ay nakukuha dahil sa hindi magandang lifestyle, maaaring mamana, o kaya naman ay dahil sa secondary causes.Sa usapin ng lifestyle, maaaring magkaroon ng hypertension dahil sa labis ng pagkain ng maalat, mamantika, madalas na pag-inom ng alak, paninigarilyo at pagpupuyat.Si Reinsher Lanquino, na bisita rin sa programa, sinabing natuklasan na may hypertension siya sa edad lang na 20.Aminado si Lanquino na hindi maganda ang kaniyang lifestyle, na mahilig sa matatabang pagkain at umiinom din.Ipinayo ni Balmores na dapat tugunan ang hypertension dahil maaari itong mauwi sa komplikasyon at magkaroon pa ng ibang sakit gaya ng sakit sa puso, sa bato o stroke.Ayon sa doktor, kung hypertensive ang tao, kailangan niyang gawin ang tinatawag niyang "DEWS" o Diet, Exercise, Weight reduction at Less Stress and More Sleep.Dapat ding laging i-check ang blood pressure. Ang normal umanong blood pressure ay hindi dapat bababa sa 120/80, habang hypertensive naman ang tao kapag higit sa 140/90.Panoorin sa video ang buong talakayan sa usaping pangkalusugan na ito.-- FRJ, GMA Integrated News