Kapag summer o bakasyon, hinihikayat ng mga magulang ang kanilang mga anak na lalaki na magpatuli na. Ano nga ba ginagawa sa maselang bahagi ng katawan ng kalalakihan kapag tinuli at bakit ito kailangang gawin? Alamin.Sa programang "Unang Hirit" nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Dr. Michael Castañeda, isang urologist, na isa sa mga dahilan kung bakit nagpapatuli ang mga lalaki ay "cultural" o matagal nang paniniwala na naging bahagi ng kultura ng mga Pinoy.BASAHIN: Japanese vlogger, umabot sa pagpapatuli ang pagiging pusong PinoyNgunit pagdating sa usaping medikal, nirerekomenda ang pagpapatuli para sa kalinisan o hygiene ng kalalakihan."Mas madaling linisin," ani Dr. Castañeda na idinagdag pa na may nagsasabing nakakatulong ang pagpapatuli para na mabawasan na magkaroon ng sakit sa ari.Ayon pa sa urologist, hindi "advisable" ang de-pukpok na paraan ng pagtutuli na nangyayari sa mga malalayong lugar sa lalawigan na walang duktor.Sa pamamagitan ng isang saging bilang halimbawa, ipinakita ni Dr. Castañeda ang dalawang paraan ng pagtuli na tinatawag na "dorsal slit" at "German cut."Bago ang pagtuli, kailangan munang bigyan ng anesthesia o pampamahid ang tutuliin upang hindi niya maramdaman ang prosesong gagawin.Sa dorsal slit na pagtuli, ibinubuka muna ang foreskin o balat, bago gugupitin ang ibabaw upang bumuka at lumabas ang "ulo."Sunod nito ay tatahiin na ang bahagi ng ginupit na balat.Pagdating sa German cut, ginugupit na mismo ang sobrang balat upang tanggalin at saka tatahiin.Ayon kay Dr. Castañeda, mas madali at mabilis ang pagtuli ng dorsal slit dahil mas kakaunti ang balat na tatahiin.Sinabi ni Dr. Castañeda na dapat totoong duktor ang magsasagawa ng pagtuli.Kamakailan lang, isang lalaking 10-taong-gulang ang nasawi matapos na tuliin ng isang nagpakilalang doktor sa isang lying-in clinic sa Tondo, Maynila.Ngunit lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na hindi talaga duktor ang nagtuli sa bata."At least doktor, minimum sana ang requirement. Mas maganda kung may surgical background," paliwanag nang tanungin kung sino ang mga maaaring magtuli.Hinikayat ni Dr. Castañeda na huwag pilitin ang bata na magpatuli."Kung ready na ang bata. 'Yung siya na 'yung nagsasabi sa magulang niya na 'Daddy, mommy,' baka puwede na akong tuliin. Hindi 'yung pipilitin 'yung bata kasi magkakaroon naman siya ng psychological trauma," sabi niya.Sa Lapu-lapu City, Cebu, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga lalaki --maging ang mga may edad na-- sa kanilang lungsod na magpatuli sa kaniyang Operation: Libreng Tuli.Ang mga lalaki na edad 20 pataas na magpapatuli, nakatatanggap ng cash gift na P10,000, at P20,000 naman kapag senior citizen na.BASAHIN: Lolo at LGBT member, kabilang sa mga kumasa sa libreng tuli campaign ng Lapu-lapu City-LGUTunghayan sa video ang "facts" at "myths" tungkol sa pagpapatuli. Totoo bang hindi dapat makita ng babae ang sugat ng nagpatuli para hindi ito mangamatis? At gaano nga ba ka-epektibo ang pinakuluang dahon ng bayabas para gamutin ang sugat? Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News