Inihayag ng Department of Health (DOH) na "mild" variant lang ng monkeypox o mpox ang naitatala sa Pilipinas. Ang higit umanong binabantayan para hindi makarating sa bansa ay ang mas malalang variant na "Clade 1b" na mabilis kumalat.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitonf Biyernes, ipinaliwanag ng DOH na "Clade II," o ang mild variant ng naturang sakit ang nasa bansa.
“All of them are mpox Clade II. Wala pa kaming nakitang mpox Clade 1b sa Pilipinas. Yung [Clade] II, very mild, self-limiting, at tsaka ang transmission niya ay skin-to-skin contact,” ayon kay Health Secretary Ted Herbosa.
Inihayag din ng kalihim na ang ilan sa may mpox na nasawi ay dahil sa komplikasyon ng ibang sakit tulad ng advanced human immunodeficiency virus o HIV.
Ang pinakabagong kaso ng mpox case ay isang residente mula sa Maco, Davao de Oro. Magaling na umano ang pasyente pero may dalawa pang suspected cases sa Maco at sa Nabunturan.
May kaso rin na naitala sa lalawigan ng Iloilo na, ayon sa provincial health office, ay gumaling na rin.
Sa Iloilo City, may apat na tao na naka-isolate upang i-monitor kung tinamaan din ng naturang virus.
Sa Bacolod city, masusing sinusubaybayan ng lokal na pamahalaan ang mga hotels, spa, wet markets, at terminals para maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing iniutos ng pamahalaang panlalawigan ng Davao del Sur sa kanilang mga residente na magsuot ng face mask sa enclosed areas at public spaces, gaya ng health care facilities, pamilihan, public transportation, offices, schools, simbahan, at mga business establishments.
Isang kaso umano ng mpox ang naitala sa bayan ng Magsaysay.
Sa Cagayan de Oro City, bagaman wala pang kaso ng mpox, nagpatupad ng kautusan ang Barangay Lapasan na dapat ding naka-face mask ang kanilang mga kawani sa Barangay Hall.
Naglagay din ng mga signages at paalala tungkol sa health protocol.
Kadalasan na sintomas ng mpox ang pagkakaroon ng rashes o pantal, nagkakaroon ng paltos o blisters sa mukha, kamay, paa, katawan, bibig, at maging sa ari na nagtatagal ng dalawa hanggang apat na linggo.
Kasama rin sa mga sintomas ang pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo, likod, panghihina ng katawan, at pamamaga ng kulane.
Sakaling may ganitong mga sintomas, magpatingin sa duktor o i-isolate ang sarili upang hindi makahawa ng iba.
Kabilang naman sa mga paraan para makaiwas sa mpox ay ugaliing maghugas ng kamay, iwasang gumamit ng gamit ng ibang tao, iwasan na magtungo sa siksikang lugar, i-disinfect ang mga lugar o gamit na mula sa ibang tao, at maging malinis sa katawan.-- FRJ, GMA Integrated News