Ang pahabang puto-bumbong na sikat lalo na kapag Christmas season, mayroon na rin bite-sized version na may matatamis na toppings, na binabalik-balikan sa Marikina City.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyong puto balls ng mag-asawang Third at Angelica Salvador, may-ari ng Añuputo.
“May nakita lang po kaming gumagawa or a recipe somewhere na making it into balls, 'yung malagkit. So sabi namin, parang naging mochi balls or bilubilo 'yung texture niya. Why not incorporate 'yung flavor profile nu’ng puto-bumbong?” sabi ni Third.
Tulad ng nakasanayang puto-bumbong, mayroon ding iba’t ibang toppings ang puto balls, gaya ng cheese, muscovado sugar at bukayo. Mayroon ding peanut flavor na may toppings naman na mani, yema sauce at powdered milk.
Maliit at bilog ang hugis ng puto balls kaya mas madali itong kainin at hawakan. Mabibili ang mga ito mula P39 pesos na may limang piraso, hanggang P629 para sa bilao order.
Bago nito, parehong may full-time na trabaho noon sina Third at Angelica bago pumasok sa pagnenegosyo. Samu’t saring bersiyon muna ng puto-bumbong ang sinubukan nilang gawin bago ito naging puto balls.
“Tinry lang po namin and nag-match po talaga. Maganda 'yung kombinasyon niya,” sabi ni Third.
“Proud lang kami na it's something new na pinresent namin sa friends and family,” sabi ni Angelica.
Bumenta sa kanilang mga kakilala ang puto balls kaya itinuloy na nila itong negosyo. Disyembre noong isang taon nang buksan nila ang kanilang online negosyo na may puhunang P10,000. Kahit tapos na ang kapaskuhan, hinahanap-hanap pa rin ng kanilang mga customer ang lagkit at tamis ng kanilang puto balls.
Minsan silang nagbenta sa Simbang Gabi at bazaar sa isang paaralan na talagang nagustuhan ng mga tao. Dito na sila nagkalakas ng loob na magtayo ng shop at mag-hire ng staff.
Mula sa 200 puto balls kada araw, aabot na sa halos 3,000 puto balls ang kanilang nabibilog kada araw.
Nakapagbukas na sila ng isa pang branch noong Oktubre at kumikita na ng six digits kada buwan.
“The hardest part of doing a business is starting. So you have to take that leap talaga. Kahit kami takot na takot before,” sabi ni Third.
“Kasi hindi naman kailangan malaki ka agad 'yung investment mo. As long as you have a good idea, make sure na proud ka of what you're doing, of what you're serving. Unang unang dapat na maniwala sa in-offer mo is 'yung sarili mo,” sabi ni Angelica.—FRJ GMA Integrated News
