Nag-viral ang larawan ng isang pintor na nakatira sa kalsada kasama ang kanyang mga obra matapos umani ng papuri sa mga netizens, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Habang nag-ja-jogging ang photographer na si Kel Navarro kasama ang kanyang asawa, pumukaw sa atensyon niya ang pintor na si Edgardo Lam kaya naman kinuhanan niya ito ng litrato at in-upload.

“We asked permission sa kanya kung puwede picture-an namin siya . Nagbigay lang kami sa kanya ng pangkain,” ayon kay Navarro.

Walang permanenteng tirahan si Lam kung kaya't nagsisilbing tahanan niya ang kalsada sa Ermita.

Ayon kay Lam, sa kalsada lang rin niya natutunan ang pagpipinta na nagsilbing pampalipas oras niya.

“Hindi ako nag-aral mag-painting. Dito lang ako natuto. Noong una, gumagawa-gawa lang ako rito, nagguguhit-guhit,” sabi ni Lam.

“May mga foreigner na parang pinapalakas loob ko na, sige ituloy mo 'yan. Binibigyan nila ako ng brush, ng mga pintura ganyan,” kwento ni Lam.

Binababaan lang daw niya ang presyo ng kanyang mga obra, dahil sa tingin niya, hindi raw maganda ang kanyang mga gawa. Pero iba naman ang sinasabi ng mga nakakakita sa kanyang gawa.

“Binababaan ko lang kasi hindi naman ano ito magaganda e. Kaya nagtataka ako nabibili rin nila. Minsan may pumunta na rito na artist, sabi niya may nakikita kami na hindi mo nakikita,” sabi ni Lam.

Hindi makikita sa makukulay at masasayang obra ni Lam ang mga hirap na kanyang pinagdadaanan.

“Nakakaraos din, gawa ni Lord. Tumutulong din Siya ‘pag nangangailangan ka. Kasi alam niya kung kaya mo o hindi,” sabi ni Lam.

Sa kabila man ng hirap na pinagdaraanan, nananatili ang positibong pananaw ni Lam sa buhay. —Joviland Rita/KG, GMA News