Masayang binalikan ni Empoy Marquez ang sitwasyon nang una niyang makita at malaman na ang "super villain, kontrabida sa GMA" na si Alessandra De Rossi ang makakapareha niya sa naging hit indie movie nila na "Kita Kita."

Ikinuwento ni Empoy sa "Share Ko Lang" ng GMA Public Affairs, na mismong si Piolo Pascual, na producer ng pelikula, ang tumawag sa kaniya para ipaalam na makasama siya sa naturang pelikula.

"Ang sabi ko noong first time kong makita si Alex, sabi ko, 'Ito kako 'yung laging super villain, kontrabida sa GMA. Ito 'yung magiging kasama ko?'" natatawang sabi ng komedyante.

Hanggang sa ipinalabas na ang "Kita Kita" sa UP Diliman, at nagkaroon din ng maraming pag-imbita mula sa press at critics.

Hindi raw malilimutan ni Empoy ang emosyon ng audience nang mapanood ang pelikula nila ni Alessandra.

"Nagulat ako kasi katabi ko si Kuya PJ (Piolo), palakpakan 'yung mga tao tapos umiiyak silang lahat. Nakaganu'n lang ako (tumitingin-tingin sa paligid). Hindi pa rin sa akin nagsi-sink in kung ano 'yung nagawa ko," saad niya.

"Sabi ko, 'Ano kako ang nagawa ko? Bakit umiiyak 'yung mga 'to? Tapos si Kuya PJ [inakbayan] niya ako, tapos niyakap niya akong ganiyan. Sabi niya 'Bro, congrats,'" patuloy niya.

Kasunod nito ay nagkaroon pa ng premiere night ang pelikula sa Trinoma at mas nalaman pa ng mga tao sa ganda ng istorya ng "Kita Kita" sa pamamagitan ng "words of mouth," ayon kay Empoy.

Natanong ni Dr. Anna Tuazon kung paano nabago ng "Kita Kita" ang buhay ni Empoy--na mula sa pagiging komedyante ay nalinya na rin bilang isang leading man.

"Nag-change po, sobrang change po. Tatlo lang dati 'yung followers ko. Ngayon 30 na sila," biro ng komedyante.

"Siguro it's the right timing sa transition," paglalarawan ni Empoy sa kaniyang naging break dahil sa "Kita Kita."

Nakapagtala ng record ang "Kita Kita," na idinerek ni Sigrid Andrea Bernardo, bilang highest grossing indie film.

Panoorin ang buong panayam kay Empoy sa "Share Ko Lang."


--FRJ, GMA News