Tulad ni Barbie Forteza, botante na rin ang kapuwa niya Kapuso na si Bianca Umali. Kahit inabot ng 13 oras ang proseso ng kaniyang pagpaparehistro, masaya pa rin ang bida ng "The Legal Wives."

Sa Instagram post, makikita ang saya ni Bianca matapos na opisyal nang maging botante.

“Mula alas tres ng umaga, na nagsimula ang araw namin, hanggang alas quatro ng hapon na natapos namin ang lahat lahat - sa wakas, isa na akong ganap na rehistradong botante. Ang sarap sa puso!,” saad ni Bianca sa caption.

May larawan at video rin si Bianca na makikita kung gaano karami ang tao na nakasabay niya sa pagpaparehistro na ginawa sa isang mall.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Bianca Umali (@bianxa)

 


Ipinaalala rin ni Bianca sa kaniyang followers na karapatan at responsibilidad ng mga mamamayan sa pagboto.

“Ang pagboto natin tuwing eleksyon ay nagpapakita ng ating pakikilahok sa paghangad ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para sa buong bansa,” sabi ng aktres.

“Ito ay ating karapatan at kailangang gampanan. Tungkulin at pananagutan natin ito bilang mga Pilipino,” patuloy niya.

Nitong nakaraang linggo, nag-post din si Barbie ng larawan niya nang magparehistro siya at pumila ng 4am.

Marami ang humanga sa aktres dahil pagpila ng aktres at nakita pang nakatalungko sa bangketa habang nasa pila. --FRJ, GMA News