Dahil sa pagiging abala sa cellphone habang naglalakad at bitbit ang sanggol na anak, tila hindi napansin ng isang ina ang nakabukas na manhole sa kalsada sa India at nahulog silang dalawa.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang mag-ina na dahan-dahan na naglalakad sa kalye patungo sa manhole na walang takip.
Mayroong lang harang sa naturang manhole mula sa direksyon na patutunguhan ng mag-ina at hindi kaagad makikita ang butas sa kabilang panig nito.
Kaya nang lumampas ang ginang sa harang, nalusot ang isa niyang paa sa manhole hanggang sa tuluyan na silang mahulog na mag-ina sa loob.
Kaagad namang sumaklolo ang mga tao sa lugar pero hindi nila malaman kung papaano makukuha ang mag-ina.
Kinailangang pumasok sa loob ang isang lalaki habang nakaabang naman ang ibang tao sa labas.
Unang nakuha ang sanggol na binantayan ng isang babae.
Sunod nang nakuha ang ina na dali-daling hinanap ang kaniyang anak.
Ayon sa mga ulat, ligtas at nasa maayos na kalagayan ang mag-ina.
Kuwento ng mga nakatira sa lugar, ilang araw nang walang takip ang manhole na nilagyan lang ng harang.
Kasunod ng nangyari sa mag-ina, nilagyan na ng buong harang ang manhole.
Hindi pa malinaw kung sino ang dapat managot sa nangyari at sino ang dapat umaksyon para malagyan ng takip ang manhole.--FRJ, GMA News
