Parang eksena sa pelikula na handang ialay ng isang pulis ang kaniyang sarili mailigtas lang ang isang bata na muntik nang mabundol ng kotse sa Maryland, USA.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang traffic police officer na si Annette Goodyear, na nasa gitna ng kalsada para magmando ng trapiko noong Pebrero 4.

Maya-maya lang, isang bata ang dumating kaya sumenyal si Goodyear sa direksiyon ng mga motorista na tumigil para makatawid ang bata sa crossing.

Pero nang nasa tabi na niya ang bata, isang kotse ang nagtuloy-tuloy pa rin sa pag-arangkada.

Itinulak ni Goodyear ang bata para hindi tamaan ng kotse pero siya naman ang nahagip ng sasakyan at natumba.

Tumigil naman ang kotse at bumaba ang driver nito para saklolohan ang pulis na hindi makatayo at dinala sa ospital.

Napag-alaman na hindi naman malubha ang kaniyang naging pinsala sa aksidente at maayos na ang kaniyang kalagayan.

Nang makalabas ng ospital, agad niyang pinuntahan ang bata na kaniyang iniligatas para kumustahin at alamin ang kalagayan.

"For me, I'm a parent as well and it's like I just want to make sure all these children are safe, and it didn't matter if I was struck or not," sabi ni Goodyear.

Napag-alaman na si Goodyear ang kauna-unahang female officer ng North East Police Department, at 14 years na siyang nagseserbisyo bilang crossing guard.

Tumanggap siya ng parangal dahil sa ginawa niyang kabayanihan. Habang ang driver ng kotse, sinampahan ng patong-patong na asunto. --FRJ, GMA News