Naging palaisipan sa mga awtoridad sa California, USA ang isang tawag sa kanilang emergency hotline na 911 dahil hindi nagsalita ang tumawag at agad na naputol ang linya. Nang imbestigahan ang tawag, natuklasang nanggaling ito sa isang zoo.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing natanggap ng mga awtoridad ang misteryoson tawag noong Agosto 13.

Sa kagustuhan ng mga awtoridad na makatiyak kung sino o ano ang dahilan ng tawag, pinapunta ng dispatchers ang mga pulis sa pinanggalingan ng 911 call.

Hangang sa matukoy nila na nanggaling ang naturang tawag sa isang zoo sa Paso Robles.

Sa pagtatanong ng Sheriff's Office, lumabas na wala sa mga kawani ng zoo ang tumawag ng 911.

Sa pagpapatuloy pa ng imbestigasyon, natuklasan nila na ang nag-dial ng 911 ay ang Capuchin monkey na pinangalanang si "Route."

"Apparently, Route had picked up the zoo's cell phone, which was in the zoo's golf cart... It just so happened it was in the right combination of numbers to call us," sabi ng San Luis Obispo County Sheriff's Office.

Nasa pangangalaga si Route ng Conservation Ambassadors Zoo to You.

Base sa kanilang post, magsilbi sana itong aral sa lahat na hindi dapat ginagawang alaga ang mga unggoy.

Noong 2019, tumugon din ang mga awtoridad sa isang insidente na isang unggoy ang tila nang-hostage ng isang empleyado ng bangko sa India.

Umupo ang unggoy sa likod ng lalaki at tila nagbanta sa mga lumalapit sa kanila.

Hindi rin nagpatinag ang unggoy sa mga ginagawa ng iba pang empleyado at mga kliyente sa bangko.

Hindi idinetalye kung paano nakapasok ang unggoy pero kusa rin daw itong umalis matapos ang ilang minuto.-- FRJ, GMA News