Napasigaw nang malakas ang mga tao at nakasakay sa isang frisbee ride sa peryahan nang magkaaberya ito habang umaandar at biglang tumabingi sa Tagbilaran City.Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na mabagal sa simula, hanggang sa dahan-dahang bumibilis ang ikot at at tumataas ang naturang frisbee ride.Mapanonood pa sa video ang excitement ng mga nakasakay sa ride samantalang mistulang dinuduyan sila sa ere.Ngunit sa gitna ng masayang ride, nagkaroon ito ng aberya nang biglang tumabingi at tumigil.Hindi maiwasang magsigawan ng mga tao sa perya at napatakbo papunta sa ride para sumaklolo.Matapos maihinto ang ride at maiangat ang seat belts, kaniya-kaniya nang nagsialisan ang mga tao dahil sa takot at taranta.Ang isa sa kanila, tumalon mula sa ride para makaalis habang ang isa namang bata, binuhat at tinulungang makalabas ng isang lalaki.Bago tuluyang tumabingi, sinabi ng mga sakay nito na may kakaibang tunog silang narinig galing sa frisbee ride.Patapos na rin umano ang duration ng ride nang maganap ang insidente.Sa kabutihang palad, walang nasawi sa insidente ngunit nasugatan ang isang babae.Isinalaysay ng operator ng ride na nagkaroon ng aberya sa gulong na nagresulta sa aksidente.Depensa ng operator ng perya, maaaring naapektuhan ng pag-ulan nitong mga nakaraang araw ang lupang kinatatayuan ng ride na nagdulot ng aberya.Pansamantalang itinigil ang operasyon ng frisbee ride samantalang sumasailalim ito sa safety inspection.Nagpatuloy naman ang operasyon ng perya para sa ibang rides na nasa maayos umanong kondisyon. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News