“Namatay ang pulubing si Lazaro at siya’y dinala ng mga Anghel sa piling ni Abraham sa Langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayamang lalaki at inilibing”. (Lucas 16:22)

MALIMIT natin marinig sa bibig ng mga taong naghihikahos at namumuhay sa karukhaan na dito daw sa ibabaw ng mundo ay puro pagdurusa ang kanilang nararanasan na mistulang impiyerno. Samantalang ang mga mayayaman, natitikman na  sa lupa ang langit dahil sa masarap at masaganang pamumuhay.

Kadalasan ay iniuugnay natin ang langit sa isang pamumuhay na sagana, hitik sa karangyaan at sa lahat ng magagandang bagay. Habang ang ilang tao na salat sa buhay o ang mga taong isang kahig isang tuka ay inihahalintulad naman sa “impiyerno” ang lupa dahil sa tigib ng pagtitiis at pagdurusa ang kanilang pamumuhay.

Matutunghayan natin sa kuwento ng Mabuting Balita (16:19-31) ang tungkol sa isang mayamang lalaki na mamahalin ang damit at sagana sa pagkain araw-araw. Kasabay naman nito ay isang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at naghihikahos.

Kung sagana ang lalaking mayaman sa pagkain, si Lazaro ay nag-aabang ng tira o nalalaglag na pagkain ng mga mayayaman para malamnan ang kaniyang kumakalam na siksimura.

Hindi naglaon ay kapwa namatay ang lalaking mayaman at si Lazaro. Subalit si Lazaro ay napunta maginhawang kalagayan sa piling ni Abraham (Lucas 16:23). Habang ang mayaman ay paghihirap at nagdurusa ang inabot sa daigdig ng mga patay na kung tawagin ay impiyerno. (Lucas 16:23)

Ano ang nangyari? Bakit napunta sa impiyerno ang lalaking mayaman na masarap ang buhay sa lupa, at tila nagkabaliktad ang kanilang kalagayan ng dukhang si Lazaro na nasa piling ng Amang si Abraham?

Ano ba ang nais ipakahulugan ng Pagbasa? Ano ba ang malalim na mensaheng nais nitong ituro sa atin? Bagaman hindi naman ipinapakahulugan sa Pagbasa na ang lahat ng mayaman ay mapupunta sa impiyerno, at hindi rin sinasabi na masama ang maging mayaman. Pero ipinapakita sa kuwento na hindi mabibili ng yaman ang kahihinatnan natin sa kabilang buhay.

At hindi rin naman ibig sabihin na kapag mahirap ay sa langit na ang punta kapag pumanaw. Dahil sa Pagbasa, ikinuwento ang pananampalataya ni Lazaro sa Panginoon kahit pa siya'y namuhay na isang dukha.

Nais ituro sa atin ng Pagbasa na kahit mahirap o mayaman, kapag tayo ay lumabag sa utos ng Panginoon, tayo ay mapupunta sa impiyerno. Kahit mahirap o mayaman kapag tayo ay sumunod sa utos ng Diyos at namuhay sa Kaniyang kalooban, tayo ay makakapiling Niya sa Kaniyang Kaharian sa Langit.

Ang Ebanghelyo ay hindi usapin ng kung sino ang mahirap at kung sino ang mayaman. Bagkos ito ay usapin ng ating ugali, pagtrato at pakikitungo sa ating kapwa, at pagsunod sa Salita ng Diyos. Katulad ng ipinakitang ugali ng mayaman sa pulubing si Lazaro.

Nakasaad nga sa Mateo 26:45–Ang Paghuhukom, "At sasabihin sa kanila ng Hari, tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, Ako ang inyong pinagkaitan. Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan.”

Nagpapasasa ang lalaking mayaman na sagana at marangya ang pamumuhay. Gayung hindi man lamang niya naalalang bigyan ng kahit kakarampot lang na pagkain si Lazaro na naroon sa kaniyang pintuan. Naging bulag ang mayaman sa kalagayan ng kaniyang kapwa.

Hindi pang-habambuhay ang pananatili natin dito sa ibabaw ng mundo. Darating ang araw na haharap tayo sa ating Panginoon, at sa pagkakataong iyon, hindi Niya itatanong kung gaano tayo kayaman, hindi Niya itatanong kung ano ang trabaho at propesyon natin. Susuriin tayo ng Diyos sa naging paraan ng ating pamumuhay at naging pagtrato natin sa ating kapuwa.

Nagdurusa ang mayaman sa apoy ng impiyerno sapagkat pinagkaitan niya ng tulong ang pulubing si Lazaro noong sila'y nabubuhay. At nang magkita sila sa kabilang buhay, hiniling ng mayaman kay Abraham na pabalikin si Lazaro sa lupa upang bigyan ng babala ang kaniyang mga kapatid para hindi matulad sa kaniya.

Ngunit sinabi ni Abraham sa lalaki, "Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta. Iyon ang kanilang pakinggan.’ Pero sinabi ng mayaman na hindi iyon sapat.

Kaya ang sagot muli ni Abraham, "Kung ayaw nilang pakinggan ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’” Patungkol niya kay Lazaro.

Itinuturo ng Pagbasa na ano ang saysay ng kayamanan kung ikaw naman ay hindi marunong makipagkapwa-tao sa mga hindi naging mapalad ang estado ng buhay? Tandaan ang kasabihan na hindi madadala sa kabilang buhay ang naipundar na yaman. Kaya mas dapat na ang ipundar ay mga gawaing ikalulugod ng Diyos kapag Siya ay ating nakaharap na. AMEN. --FRJ, GMA News