Ikinuwento nina Barbie Forteza at Jak Roberto na kamuntikang mauwi sa disaster ang kanilang first date nang mawala ang wallet ng aktor.

Sa podcast na Updated with Nelson Canlas, inilahad nina Barbie at Jak magkasama sila ng isang buong araw para sa kanilang first date at nanood ng tatlong pelikula, kasama ang isang last full show sa isang 4D na sinehan.

At dahil 4D ang sinehan, gumagalaw-galaw ang mga upuan kaya aksidenteng nahulog ang wallet ni Jak.

"After ng movie, sa parking na kami, hinanap ko ‘yung ticket ng parking kasi babayaran sa may labas. Hinanap ko ‘yung wallet ko, wala, nalaglag," kuwento ni Jak.

"Calm down lang ako, ayokong magpakita ng [kaba]. 'Hindi okay lang 'yan, makikita rin 'yan. Bukas na lang siguro,'" sabi daw ni Jak sa kaniyang sarili.

"Pero sa isip-isip ko, magda-drive ako walang lisensya. Paano kung kasama ko si Barbie tapos mahuli kami? Nandu’n na ‘yung panic ko. Tapos wala akong lisensya, nakakahiya naman first date napa-trouble kaagad si madam," pagpapatuloy ng aktor.

Dahil dito, dumiskarte na lamang si Jak.

"Napakiusapan ko na lang na nalaglag ‘yung ticket sa mall. Tapos nakilala naman kami, so binayaran ko pa rin naman ‘yung penalty doon sa ticket 'pag nawala," sabi ni Jak.

Kinabukasan, nakita ang wallet ni Jak at sinabi ng management ng mall na nakita ito sa 4D na sinehan kung saan sila naupo.

Kaya naman ang payo ni Barbie sa mga nagpaplano ng kanilang first date: "Kaya doon sa mga magfi-first date, huwag 4D."

Ipinagdiwang nina Barbie at Jak ang kanilang ikalimang anibersaryo ngayong taon, kung saan bumisita sila sa Bohol para magbakasyon.-- FRJ, GMA Integrated News