Nang makakita muli ng mga balsa na hinahatak ng lubid, bumalik sa alaala ni Jose Manalo ang nangyari sa kaniya noong 2016 nang mahulog siya sa isang estero sa Malabon habang ginagawa ang "Sugod-Bahay" segment ng "Eat Bulaga."

Sa episode ng "Eat Bulaga" nitong Martes, kasama ni Jose si Wally Bayola sa paghahanap ng lugar na kanilang susugurin para makapamigay ng papremyo.

Nang makakita ng isang ilog na may balsa na maaaring hatakin gamit ang lubid, tumigil ang dalawa at nakita ang isang dalaga na namimingwit para bigyan ng premyo.

Kaagad na sumampa sa balsa si Jose at ipinaalala ang nangyaring insidente noong 2016. Pero pagtitiyak ni Jose, hindi na iyon mauulit kahit pa kunwaring muntik na naman siyang mahulog.

Pero habang kinakausap ni Jose ang dalaga, may isang babae na nakasakay sa kabilang balsa ang humatak sa kanilang lubid.

Nagkunwari din ang babae na mahuhulog sa tubig.

Dito na hinamon ni Jose ang babae ng tug of war.

Ayon sa babae, napanood niya ang nangyari kay Jose noong 2016 kaya kunwaring ginagaya niya ito.

Sa huli, binigyan ni Jose ng tig-P5,000 ang dalaga at babae na kanilang nakita. Naiyak naman sa tuwa ang ina na kasama ng babae na binigyan din ng Eat Bulaga ng P5,000.

Malaking tulong daw sa kanila ang pera para sa kanilang panggastos sa araw dahil padyak driver lang ang kaniyang mister.

Nang malaman ito ng "Eat Bulaga," sinabi ni Jose na pinadagdagan ni Bossing Vic Sotto ng P5,000 ang pera ng ina para sa kabuuang P10,000.

Panoorin sa video ang masayang episode. --FRJ, GMA Integrated News