Pinusuan ng netizens ang social media post na makikita ang bagong kasal at kanilang mga bisita na naglalakad sa hindi patag na daanan habang papunta sa wedding reception sa Camarines Sur. Ang bride, nagyapak habang naka-gown kahit aabot umano sa 30 minuto ang lakaran.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang bagong kasal na sina Mark John at Hazel Ann Marticio, ng Tinambac, Camarines Sur.

Sa mga larawan at video na Maria Belen San Roque, pinsan ni Hazel, makikita ang bagong kasal at mga bisita na binabagtas ang hindi patad na daanan at  hindi sementado.

Hindi raw makakadaan ang mga sasakyan at dalawang ilog din ang tatawirin papunta sa bahay ng mga magulang ni Hazel kung saan ginawa ang handaan.

Humanga raw si San Roque sa kaniyang pinsan na si Hazel nang makita niya ito na nagyapak na lang papunta sa reception kaya niya kinunan ng larawan at video.

Nasabihan naman daw ang mga bisita bago pa man ang kasal na may kalayuan ang handaan na pupuntahan pagkatapos ng seremonya ng kasal.-- FRJ, GMA Integrated News