Maraming netizens ang naaliw sa viral video ng magkapatid na Raven at Rommel na tila beast mode na ang una sa pagtuturo sa huli na magbasa. Pero mayroon palang malalim na dahilan si Raven kaya nais niyang matuto si Rommel, na kaniya palang kuya dahil mas matanda ito sa kaniya ng isang taon.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," natunton ang magkapatid na Raven, 7-anyos, at Rommel Paudac, 8-anyos, sa Batangas City.

Grade 1 na si Rommel, habang kinder naman si Raven. Sa viral video, makikita si Raven na napapakamot na sa ulo sa inis at nanlalaki ang mata dahil hindi mabigkas ni Rommel nang tama ang pinapabasa niyang salita.

Kuwento ng ina ng magkapatid na si Rosemarie, naglaro daw noon sa delikadong lugar si Rommel kaya "pinarusahan" niya ito sa pamamagitan ng pag-aaral na magbasa.

At ang tutor, ang mas batang si Raven, na ayon sa guro nito na si Aireen, nakitaan niya kaagad ng husay sa pagkilala sa mga letra.

Samantala, sinabi naman ng guro ni Rommel, na masipag namang pumasok ang bata pero madali raw mawala ang atensiyon sa pag-aaral.

Ayon kay Rosemarie, mas madali ring utusan si Raven kaysa kay Rommel, na mas hilig naman ang paglalaro.

Bagaman maraming pagkakaiba sa magkapatid, magkasundo naman daw ang dalawa pagdating sa paglalaro.

Kuwento pa ng ginang, napansin niya noon na may malambot na bahagi sa ulo ni Rommel nang isilang niya. Hindi na raw nila nadala noon sa ospital ang anak para mapasuri.

Dahil na rin sa kondisyon ni Rommel na hirap sa pagbasa , madalas daw na nabu-bully ito. Dahilan para maawa si Raven lalo na kapag may umaaway na sa kaniyang kuya.

"Sabi ko po, huwag awayin si kuya," saad niya.

Kaya naman nagpupursige si Raven na maturuan sa pagbasa ang kaniyang kuya Rommel para hindi na hamakin ng iba.

"Nakakaawa po kasi. Sana po matuto siyang magbasa," sabi ni Raven na napaiyak na.

Ipinakonsulta si Rommel sa isang developmental and behavioral pediatrician na si Dra. Marizel Pulhin-Dacumos.

Lumitaw sa pagsusuri na mayroon talagang intellectual disability si Rommel. Hirap din ang bata sa pag-unawa sa ipinapakita sa kaniya kaya nahihirapan siyang bumasa.

Mayroon naman daw puwedeng gawin na mga intervention program para kay Rommel o occupational therapy na ginagawa para sa mga batang may special needs.

Sa kabila nito, tila hindi naman masasayang ang ginagawa ni Raven dahil pursigido rin naman si Rommel na matutong magbasa. --FRJ, GMA Integrated News