"Love, bagay ka dun sa Public Affairs." Ito umano ang sinabi ni Sarah Geronimo sa kaniyang asawa na si Matteo Guidicelli, na isa nang Kapuso.

Sa press conference nitong Huwebes sa pagpirma ni Matteo ng kontrata para maging mabahagi ng Public Affairs ng GMA Network, sinabi ng aktor na masaya at suportado ni Sarah ang kaniyang desisyon.

“Sabi niya, ‘Love, bagay ka dun sa Public Affairs. Your prayers are answered. Our prayers are answered,” pahayag ni Matteo tungkol sa sinambit ni Sarah sa kaniya.

Tungkol sa pagiging ama, sinabi ng aktor na, “Handang handa na, dati pa.”

Gayunman, mayroon pa umano silang dapat munang asikasuhin ng kaniyang maybahay.

“God willing, after all [the] activities that Sarah wants to do [and] want to accomplish and, of course, my commitments with [GMA Network], hopefully, by the end of the year, sana pag-pray natin lahat na maka-buo,” pahayag ni Matteo.

Ginanap ang contract signing ni Matteo sa GMA Public Affairs nitong Huwebes sa SEDA Vertis North sa Quezon City.

Sa Biyernes, sasalang si Matteo sa “Fast Talk with Boy Abunda.” — FRJ, GMA Integrated News