Madalas na napapanood sa mga teleserye at pelikula ang paglutang o pag-angat sa ere ng isang tao na sinasaniban umano ng masamang espiritu. Ganito raw ang nangyari sa isang binata sa South Cotabato na nakuhanan ng camera habang pinipigilan siya sa pagwawala at naging viral sa social media.

Sa nakaraang Gabi Ng Lagim XI special episode ng Kapuso Mo Jessica Soho, nakapanayam sa Koronadal City sa South Cotabato ang mga security guard na tumulong sa binatang sinaniban umano ng demonyo.

Kuwento ni Mark Templa, gabi nitong nakaraang September nang humahangos na lumapit sa kanila ang isang lalaki at humihingi ng tulong.

Ayon sa kasamahan niyang si Domingo Magdato Jr., bigla na lang natumba, nangisay, at nagpupumiglas ang binata na itinago sa pangalang "Mateo."

Isang residente naman ang kumuha ng video habang pinipigilan nina Mark at Domingo si Mateo. Maya-maya pa, makikita ang tila pag-angat ng katawan ng binata.

“'Yung taas niya nang lumulutang siya parang mga two feet,” ani Mark. “Pula ‘yung mata niya. Hindi nga ako tumitingin. Parang galit siya sa akin ba.”

“Ang sa isip ko, ‘Iba talaga ito, demonyo talaga ang nagsapi nito’” dagdag niya. Tumatawa at nagsasalita umano ng Latin si Mateo.

Kumuha sila ng langis na may basbas ng holy water, na ipinahid nila sa noo, kamay, sikmura at paa ni Mateo, na sinamahan nila ng dasal.

“Nakakatakot 'yung tawa ng binata, nakakapanindig-balahibo talaga,” ani Domingo.

Hindi nagtagal, kumalma na si Mateo.

“'Yung umupo na 'yung bata, may usok na lumabas sa kanyang bunganga. After n’un, unti-unti nang bumabalik sa normal ‘yung kanyang katawan,” kuwento ni Domingo.

Ayon kay Mateo, galing siya noon sa computer shop at kumakain siya ng balut nang may makita siyang tila tatlong lalaki.

“Malalaki sila, matatangkad, mahahaba 'yung buhok. Mapupula 'yung mga mata nila. 'Yung pisngi nila is malalaki. Nakatayo sila at nakatitig talaga sila sa akin. Sobrang kaba ko talaga,” kuwento niya.

Ayon sa tiyahin ni Mateo na si ‘Maricel,’ 'di tunay na pangalan, walang ikinuwento sa kanila ang kaniyang pamangkin nang umuwi sa bahay.

“Pagdating niya dito sa bahay, wala siyang sinabi sa namin. Nakita namin ang video after three days,” saad niya.

Pahayag ng isa pa niyang tiyahin na si ‘Amanda,’ hindi na bago sa kanila ang pangyayari. Napag-alaman na 13-anyos pa lang si Matero nang magsimula siyang makakita ng mga nilalang na hindi nakikita ng ibang tao.

Sa isa nilang family reunion, nakita umano niya ang kaniyang pumanaw na ina at lumutang ito sa kaniyang harapan.

Sabi ng isa pang tiyahin na si ‘Camila,’  minsan na rin silang sinaktan ni Mateo. At nang tanungin nila kung sino ang nasa katawan ng kanilang pamangkin, sumagot umano ito ng, "Ako si Lucifer!"

Inamin din nila na may mga "manggagamot" sa kanilang angkan.

Nang malaman nina Fr. Rex Manlantao at Fr. Azul Lambatan, mga exorcist priest ng Charismatic Episcopal Church sa Gingoog City, Misamis Oriental, kumbinsido sila na possession o sanib ang nangyari kay Mateo.

Pambihira umanong mangyari ang demonic possession.

“There are some tinatawag na grave possessions, 'yung talagang sobrang malala na, like sumusuka na ng color green tapos may lumalabas na mga insekto sa katawan tapos sinusugatan na 'yung sarili nila,” ayon kay Fr. Rex.

Bumiyahe ng 10 oras ang dalawang pari para puntahan si Mateo sa South Cotabato at kumbinsihin ito na pumayag na sumailalim sa ritwal para maalis ang nakasanib sa kaniyang katawan.

“Isa sa mga reason bakit ang tao maging demon possessed is what we called the exposure of the occult practices. O kaya they have this what we called generational curses. Kung ang tatay mo ay mambabarang o ang nanay mo ay manggagamot, then 'yung mga spirits kasi na nandoon sa kanila, mapapasa yan sa next generation,” paliwanag ni Fr. Rex.

Inamin ni Mateo na diyablo ang sumasanib sa kaniya dahil nakikita niya ang mga ito. Gayunman, nagdadalawang-isip siya na sumailalim sa tinatawag na "deliverance," dahil baka mawala ang kapangyarihan na namana niya sa kaniyang namayapang ina.

“Willing naman po po pero siguro, Father, may purpose kasi po kung bakit ako nagkakaganito, Father,” paliwanag niya. “May mga times kasi, Father, may gustong humingi sa akin ng tulong, Father.”

Pero ipinaliwanag ni Fr. Azul na hindi maganda kung hindi galing sa Diyos ang kapangyarihan niyang manggamot.

“Maiintindihan kita na gusto mong tumulong. Mabuti 'yun. Pero yung panggagamot mo does not come from God. Your gift obviously does not come from the Lord,” paliwanag niya.

Kinalaunan, pumayag na si Mateo na sumailalim sa deliverance. At nang isagawa na ang exorcism, muling nagsalita ng mga Latin ang binata at muli umanong lumutang.

Magtagumpay kaya ang mga pari na mapaalis ang sinasabing diyablo na nasa katawan ni Mateo? Panoorin ang exorcism at deliverance na isinagawa sa binata sa video na ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News