Ngayong bigayan ng Christmas bonus, isiping mabuti kung saan ito gagamitin. Malay ninyo, ito ang maging puhunan sa inyong pag-asenso at pagiging milyonaryo.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mag-asawang Mark at Christine Vasquez, may-ari ng Coffee Buddy, na ilang taon na ang nakararaan nang gamitin nilang puhunan sa itinayo nilang coffee business ang tig-P5,000 na natanggap nilang Christmas bonus.

"Iniisip ko kasi saan ko ba gagatusin yung P5,000. Kung gastusin ko ito ngayon, mawawala na ito after ng ilang months, so inisip ko kung gagastusin ko sa puhunan posible na lumago pa ito," ayon kay Mark.
Dahil parehong coffee lover ang mag-asawa, kape ang naisip nilang itayo na negosyo.

"Natutuwa naman ako na yung goal namin na umangat talagang na-pursue namin. Nagbenta kami ng maraming product para makaahon sa hirap," sabi ni Christine.

Sa kanilang pagpupursige, nakapagpatayo sila ng kanilang coffee shop, na ngayon ay lima na ang branches.

Ang isa nilang empleyado, hindi makapaniwala na nagsimula lang sa P10,000 na puhunan ang pinapasukan niyang coffee shop.

Payo ni David Angway, isang financial wealth coach, gamitin ang 70-20-10 na pagba-budget. 70 percent sa panggastos, 20 percent sa saving, at sa investment naman ang 10 percent.

"Mayroon kang posibilidad na makapag-enjoy for today, at the same time makapag-prepare for the future," payo niya.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Christian Sia, na magkaiba ang Christmas bonus at 13 month pay.

Nakatakda sa batas ang 13 month pay na obligadong ibigay ng amo o kompanya sa kaniyang mga kawani, habang nasa discretion naman ng may-ari o amo kung magbibigay pa ng Christmas bonus na hindi itinatakda sa batas.

"Nasa discretion ng employer and of course generosity nung employer. Depende rin sa performance ng company (kung kumikita o hindi)," ayon kay Sia.

Samantala, ang kangkong chips business naman na itinayo ng binatang si Josh Mojica, noong panahon ng kasagsagan ng pandemic, ngayon, may sarili nang pabrika at mahigit 100 na ang empleyado.

Dahil mas naging maunlad pa raw ngayon taon ang kaniyang negosyo, may regalo siyang handog sa kaniyang mga empleyado. Ano kaya ito? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News