Bagaman mahirap umanong makakuha ng Swiss residence permit o maging citizen sa Switzerland, at mataas pa ang singil sa buwis at mahal ang cost of living, sulit naman daw dahil sa maayos na pamamalakad ng gobyerno roon.
Ayon nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nasa 10,000 umano ang Pinoy sa Switzerland, at walong libo nito ang naninirahan sa Geneva.
Dahil malayo sila sa Pilipinas, tuwing Disyembre ay nagsasama-sama ang ilang Pinoy doon para sa kanilang pagdiriwang ng Paskong Pinoy.
Kabilang sa nakita ni Jessica Soho sa pagtitipon ang dating komedyante na si Evelyn Vargas.
"Masagana," sagot ni Evelyn nang kumustahin ang kaniyang buhay doon.
Gayunman, aminado si Evelyn na nami-miss niya ang showbiz sa Pilipinas.
"Nami-miss ko of course pero kung sino ang gustong kumuha sa akin...available," masayang deklara ng dating komedyante.
Ang nag-organisa ng pagtitipon, ang pederasyon ng mga Pinoy sa Geneva na Ugnayang Bayan, na pinamumunuan ni Gerry de Rama.
Bagaman residente na ngayon ng Switzerland si Gerry, ikinuwento nito na tatlong taon muna siyang naging TNT noon nang una siyang tumapak sa nasabing bansa bilang turista.
Namasukan siyang kasambahay at trabaho, bahay, at simbahan ang kaniyang naging buhay.
Sa Switzerland na rin nakilala ni Gerry ang kaniyang naging asawa na si Beth, na isa ring kasambahay.
Hanggang sa makalipat ng trabaho si Gerry bilang driver sa isang diplomat, na kaniya pa ring pinaglilingkuran ngayon.
Malaki ang sahod sa Switzerland na ang average na kita ay katumbas ng P1,250 kada oras, o aabot ng P10,000 sa loob lang ng isang araw.
Mataas man ang buwis, sinabi ni Gerry na sulit naman ito dahil maraming tulong ang naibibigay ng gobyerno.
"Kagaya namin, kapag nawalan kami ng trabaho, 18 months po may suweldo kami," paliwanag niya.
Bukod sa maayos na transportasyon at mga serbisyo, maganda rin ang mga benepisyo sa mga residente na may libreng edukasyon at health insurance.
Bukod sa maraming oportunidad, wala ring diskriminasyon sa Switzerland at napakababa ang tala sa krimen.
Alamin ang kuwento ng iba pang Pinoy na bagaman hindi rin naging madali ang kanilang pagsisimula doon pero naging maayos din ang lahat pagkalipas ng panahon. Dahil na rin sa magandang kita, nagawa nilang matulungan ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas. Panoorin ang video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News
