Nagsampa ng reklamong sexual battery sa Los Angeles court ang nagpakilalang dating assistant laban sa aktor na si Vin Diesel. Ang insidente, nangyari umano noong 2010 sa isang hotel sa panahon na ginagawa ang "Fast Five"movie.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nakasaad sa reklamo ni Asta Jonasson na nangyari ang pag-atake sa kaniya ni Diesel sa isang kuwarto sa Atlanta hotel habang ginagawa ang pelikulang "Fast Five."
Ilang oras makaraang mangyari ang insidente, tinanggal umano siya ni Diesel sa trabaho.
Walang pahayag ang kampo ng aktor tungkol sa reklamo.
"Sexual harassment in the workplace will never stop if powerful men are protected from accountability," sabi sa pahayag ni Atty. Claire-Lise Kutlay, abogado ni Jonasson.
"We hope her courageous decision to come forward helps create lasting change and empowers other survivors," dagdag niya.
Kuwento ni Jonasson sa kaniyang reklamo, dinakma ng aktor ang kaniyang dibdib at hinalikan siya matapos ang magdamag na pag-estima sa mga babae sa hotel suite.
"Vin Diesel ignored Ms. Jonasson's clear statements of non-consent to his sexual assaults," saad sa reklamo.
Patuloy pa ni Jonasson, pinuwersa din umano siya ni Diesel na hawakan ang maselang parte ng katawan ng aktor.
Nang sumigaw siya para tumigil ang aktor sa ginagawa sa kaniya, inipit umano siya ni Diesel sa dingding at "pinaligaya ang sarili."
Tumigil lang umano ang aktor nang makaraos na ito at umalis na sa kuwarto.
Ilang oras makaraang ang insidente, tinanggal umano ni Diesel sa trabaho si Jonasson, ayon pa sa reklamo.
Ang dahilan kung bakit nanahimik si Jonasson sa matagal na panahon, "afraid to speak out against one of the world's highest-grossing actors, afraid she would be ostracized from the industry." —Reuters/FRJ, GMA Integrated News

