Isang pasahero ang nasawi at 30 iba pa ang sugatan matapos makaranas ng matinding turbulence ang isang eroplano ng Singapore Airlines.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Martes, sinabi ng airlines na galing sa London at bumibiyahe papuntang Singapore ang eroplano nang makaranasan ng matinding turbulence nang madaanan ang air pocket.

Nag-emergency landing ang eroplano sa Bankok, Thailand.

Sa 30 nasaktan, pito sa kanila ang nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Ayon sa ilang pasahero, hindi naka-seatbelt ang ilang pasahero nang mangyari ang turbulence.

Mahigit 200 ang pasahero ng eroplano na kinabibilangan ng limang Pilipino. Mayroon din itong 18 na crew.

Humingi ng tawad ang Singapore Airline sa nangyari at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing pasahero.

"Singapore Airlines offers its deepest condolences to the family of the deceased. We deeply apologize for the traumatic experience that our passengers and crew members suffered on this flight," saad sa pahayag ng airline.

Sa hiwalay na ulat ng Reuters, sinabing isang British man na edad 73 ang nasawi sa insidente na hinihinalang inatake sa puso.

Kuwento ng isang pasahero, nakaramdam sila ng pagyanig, at biglang pag-angat at pagbagsak ng eroplano.

"Suddenly the aircraft starts tilting up and there was shaking so I started bracing for what was happening, and very suddenly there was a very dramatic drop so everyone seated and not wearing a seatbelt was launched immediately into the ceiling," sabi ng pasaherong si Dzafran Azmir.

"Some people hit their heads on the baggage cabins overhead and dented it, they hit the places where lights and masks are and broke straight through it," dagdag pa niya.

Makikita naman sa mga larawan at video ang nagbagsakan at nagkalat na mga gamit sa sahig ng eroplano.-- FRJ, GMA Integrated News