Nahaluan ng katatawanan ang exclusive event sa Manila ng sikat na celebrity chef na si Gordon Ramsay kung saan nakasama niya ang ilang Pinoy celebrity chief kabilang si Ninong Ry.
Ipinost ni Ninong Ry sa kaniyang Facebook ang ilang larawan sa pagkakasama niya sa event na ginaya sa "Masterchef” show kung saan pinagawa ang mga Pinoy celebrity chief ng simpleng panghimagas na halo-halo.
BASAHIN: Judy Ann nang makaharap si Chef Gordon Ramsay: 'Nakakaloka? Nakakabaliw? Napaka surreal!
“Ninong Ry binigyan ng Diabetes si Gordon Ramsay hahahhaha," saad niya sa post patungkol sa komento ni Gordon na sobrang tamis ng kaniyang halo-halo.
Sa mga video na naka-post sa social media mula sa mga dumalo sa event, ibinida ni Ninong Ry kay Gordon ang bersiyon niya ng simpleng halo-halo na walang prutas.
“Shit, that is sweet,” sambit ni Gordon nang matikman ang ginawa ni Ninong Ry.
"I can feel my arteries jamming up,” biro pa ni Gordon.
Ipinaliwanag naman ni Ninong Ry na ganoon talaga ang lasa ng halo-halo at kailangan muna itong haluin.
Biro pa ni Gordon, “I came here to open a restaurant, not for a heart bypass operation.”
Sagot naman ni Ninong Ry, "We have a very good doctors here."
Kaya napa-"Oh my god," si Gordon.
Nitong nakaraang taon nang buksan ang unang restaurant ni Gordon sa Pilipinas na Gordon Ramsay Bar & Grill sa Newport World Resorts' Grand Wing.
Si Gordon ang nasa likod ng ilang Michelin-starred restaurants kabilang ang Restaurant Gordon Ramsay sa UK at Le Pressoir d'Argent sa Bordeaux. Nagbukas din siya ng restaurants iba pang bahagi ng mundo, kabilang sa Singapore, UAE, at Japan.—FRJ, GMA Integrated News