Binalikan nina Bianca Umali at ng kaniyang Lola Vicky ang pagsisimula ng aktres sa showbiz kung saan ang kaniyang lola ang kaniyang kasama dahil maaga siyang naulila sa mga magulang.

Sa episode ng cooking talkshow na "Lutong Bahay" nitong Huwebes, naibahagi nina Bianca sa mga host na sina Mikee Quintos at Kuya Dudut, na nagsimula siyang lumabas sa mga commercial noong dalawang-taong-gulang lang siya.

Nang maging pitong-taong-gulang na, nagsimula na siyang mag-audition sa telebisyon, at napasama sa TV show na Tropang Pochi sa GMA noong siyam na taong gulang siya.

Ngunit kahit lumaki bilang child star, sinabi ni Lola Vicky na hindi lumaki ang ulo ni Bianca dahil natural sa aktres ang pagiging mapagpakumbaba.

"Nasa kaniya 'yon, hindi dahil sa akin. Mabait kasi siya talaga," pagmamalaki ni Lola Vicky.

May pagkakataon din na medyo nabu-bully ang aktres noong nagsisimula pa lang sa showbiz.

"Kami talaga rin kasi 'yung pinakabago nun," saad niya na pinapalampas na lang nila.

Ayon kay Lola Vicky, kadalasang sa sahig lang noon nagpapahinga si Bianca nang nangsisimula pa lang habang may sariling higaan na ang mga nakakasabay ng apo sa pag-aartista.

"Pagka may taping sila, meron silang mga kama, eh kami hindi. Nandun lang kami sa sahig, pero sandali lang 'yun tapos nakabangon na siya. Sumikat na rin," ani Lola Vicky.

Ayon kay Bianca, laging ipinapaalala sa kaniya ng kaniyang lola na darating din ang panahon niya.

Pinalaki rin umano siya ng kaniyang lola na matutunan na tanggapin kung ano lang ang mayroon sila, at magsikap para makuha ang kaniyang gusto.

"I think it was those times na she would see me looking, may mga ganung moment eh 'di ba 'yung makikita mo nakatingin 'yung bata," ani Bianca.

"Kasi nga na-instill sa 'min ni mama [Vicky] na kung ano 'yung wala ka, eh wala eh. Paghirapan mo para magkaroon ka and that was okay. We were happy as long as alam namin na mama was there," dagdag niya.

Ayon kay Bianca, ang lahat ng kaniyang pagsisikap ay para sa kaniyang lola.

"Para sa kaniya lahat 'to eh," anang aktres. "Utang ko sa kaniya 'yung buhay ko and paulit-ulit ko ipangangalandakan na lola's girl ako kasi wala ako sa kinaroroonan ko kundi dahil sa kaniya eh." — FRJ, GMA Integrated News