Isang apat na taong gulang na lalaki ang nasawi dahil sa pneumonia, na ang paniwala ng ina ng bata, dahil sa secondhand smoke, o nalanghap na usok mula sa mga nagsisigarilyo. May basehan kaya ang hinala ng ginang? Alamin ang lumabas na resulta sa ginawang pagsusuri sa sinapit ng bata.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ng ina na si Richelle, mula sa Rizal, ang nangyari sa kaniyang anak na si Zayn. Una raw niyang napansin ang pamamayat ng bata at namumutla ito.
Kinalaunan, nagkaroon na ng ubo si Zayn, at malalim umano ang paghinga ng bata.
Nang dalhin sa ospital ang bata, doon na nalaman na mayroong pneumonia si Zayna na nakuha umano sa hangin.
Ang pneumonia ay impeksiyon sa baga mula sa iba't ibang mikrobyo. Nahihirapan ang pasyente na huminga dahil sa plema sa kanilang baga.
Ayon kay Richelle, tinanong sila kung mayroon naninigarilyo sa kanilang bahay. Bagaman hindi sila naninigarilyo, galing umano sila sa bakasyon sa kanilang mga kamag-anak sa Mindanao.
Nagpunta umano sila sa General Santos City at Zamboanga City sa Mindanao noong 2023 dahil umuwi ang lola ni Zayn mula sa Saudi Arabia.
“‘Yung madalas po naninigarilyo ‘yung lolo ni Zayn, asawa ng kapatid ni Lola Veronica,” ani Richelle.
“Halos siguro mauubos ‘yung isang kaha kada araw. Nalalanghap pa rin namin ‘yung binubuga,” sabi naman ni Faizal, ama ni Zayn. “Hindi kami lumalayo kasi nahihiya nga kami. Kami'y nakikituloy lang.”
Ngunit ayon kay Lola Veronica, may ubo na si Zayn nang dumating sa General Santos. Kagagaling din lang daw ng bata sa lagnat. Inilalayo rin daw nila ang bata sa mga naninigarilyo.
“‘Yung brother-in-law ko naninigarilyo ‘yun. Kung magsigarilyo ‘yan siya, malawak man din ang lupain nila. Nasa malayo man siya.” paliwanag ng lola.
“Basta ang ano ko, hindi siya ano sa smoke ng brother-in-law ko. Hindi ko siya masabi na exposed ang bata,” dagdag niya.
Dalawang buwan pang nanatili si Zayn sa Mindanao, pero ayon kay Lola Veronica, may kubo na tinutuluyan ang bata na malayo sa mga naninigarilyo.
Mapanganib ang usok ng sigarilyo lalo na sa mga taong mahina ang baga at immune systems.
Ayon kay Richelle, sakitin na bata si Zayn.
“Hindi po siya kumakain ng mga solid food. Everytime po pinapakain namin siya ng solid food is umiiyak siya. Nag-re-rely lang po siya sa milk,” saad niya.
Inihayag din ni Faizal na lagi rin may pigsa ang anak na lumalabas tuwing ikalawang buwan.
Anang duktor, ang pagkakaroon ng madalas na pigsa ay indikasyon na mahina ang immune system ng bata.
Nang umuwi si Zayn sa kanilang bahay sa Rizal mula sa Mindanao, napansin na nila ang pag-ubo nito kaya dinala nila sa ospital. Ilang araw lang ang lumipas, nakaranas na ng cardiac arrest ang bata.
“Na-revive siya. Lumaban si Zayn,” ani Richelle.
Gayunman, nagkaroon ng brain damage si Zayn matapos ang cardiac arrest kaya dinala siya sa ICU, at dito nalaman mayroong Pediatric Acute Respiratory Distress Syndrome, o PARDS ang bata.
Ayon sa mga duktor, maaaring hindi lang ang secondhand smoke ang dahilan ng kalagayan ni Zayn. Posibleng may iba pang sakit o health conditions ang bata, at hindi rin umano normal ang hugis ng ulo nito.
Nalaman din na hindi lang pneumonia ang tumama kay Zayn, kundi aspiration pneumonia. Impeksyon ito sa baga na nakukuha kapag pinapakain ang bata.
"Kasi kapag nakahiga ang tendency mabilis lang magtuloy-tuloy sa daanan ng paghinga. It is not related sa secondhand smoke. But kung mayroon kang exposure secondhand smoke saka nawala nga yung pangwalis yung plema so yung plema na 'yan hindi effectively mailalabas lalong lalo na sa mga bata na hindi marunong umubo," ayon kay Dr. Maricar B. Limpin, Pulmonologist, Philippine Heart Center.
Nang muling ma-cardiac arrest si Zayn, sinabi ni Richelle na kinausap niya ang kaniyang asawa na huwag nang i-revive ang kanilang anak.
“Kinausap ko ‘yung asawa ko na sabi ko tama na. Huwag na i-revive si Zayn kasi parang lantang gulay na po kasi siya,” ani Richelle. “Antayin na lang na mag-stop ang heartbeat niya. Once na mag-stop ang heartbeat niya, hindi na po siya ire-revive.”
Ayon kay Faizal, nawala ang kaniyang anak sa araw ng kaniyang kaarawan.
“Hindi ko alam kung paano ko ipoposisyon ‘yung sarili. Pero inisip ko, siguro gusto ni Zayn na masaya. Kung nandito pa siya, sasabihin niya, ‘Don't be sad, Papa,’” ani Faizal.
Isang taon mula nang pumanaw si Zayn, patuloy na binabayaran nina Richelle at Faizal ang bayarin ng anak sa ospital.
“Ngayon po may balance po kami na nasa P800,000, ‘yung hospital bills. ‘Yung doctor's fee is nasa P300,000.” ani Richelle.
Dahil hindi sapat ang kinikita ng mag-asawa bilang call center agents, hindi nila naipatingin noon si Zayn sa isang immunologist.
Ibinahagi ni Richelle ang kanilang mapait na karanasan dahil na rin sa mga nakikita niya online tungkol sa mga batang may pneumonia.
Sa ngayon, nakatuon na ang atensyon ng mag-asawa sa kanilang bagong supling.
“Since may baby na kami, nagkaroon kami ng hope. Pero nandun pa rin ‘yung pain,” ani Richelle.
Tiniyak ni Faizal na lagi nilang ipapa-checkup ang kanilang bagong anak.
Sa mga nais tumulong kina Faizal at Richelle, maaaring magpadala sa:
BANK: BPI
ACCOUNT NAME: RICHELLE LEGASPI
ACCOUNT NUMBER: 9559271362
GCASH: 0915-009-2291
—FRJ, GMA Integrated News
