Isa pang babae ang nag-akusa laban kay Nick Carter ng panghahalay. Hinawahan pa umano siya ng dating singer ng Backstreet Boy ng sexually transmitted diseases (STDs) na nauwi sa cervical cancer. Pero itinanggi ng kampo ng mang-aawit ang mga paratang.
Batay sa kasong isinampa laban kay Nick na nakuha ng People Magazine, sinabi ni Laura Penly na inabuso umano siya ni Nick noong 2004, at 19-anyos lang siya noon.
Ayon kay Laura, mayroon sila noon na “sexually intimate relationship and [they] would see each other approximately every few weeks.” Nagkita umano sila mula December 2004 hanggang February 2005, at bumibisita siya sa Los Angeles at apartment ni Nick sa Hollywood.
Patuloy pa ni Laura, consensual o may pahintulot niya ang pagtatalik nila ng tatlong beses. Pero nagbago raw ang lahat nang tumanggi na si Nick na gumamit ng condom kahit pa sinabihan niya. Gayunman, inisip niya na lang na “he was clean" o walang sexually transmittable diseases.
Nakasaad din sa kasong isinampa ni Laura na hindi siya nakikipagtalik nang walang proteksyon ang kapareha.
Patuloy ni Laura, noon unang bahagi ng 2005, pumunta siya sa apartment ni Nick sa pag-aakalang manonood lang sila ng pelikula. Pero sinabihan umano siya ng singer na, "the only reason she was there was to have sex.”
Nakasaad din sa reklamo ni Laura na nangyari umano ang pang-aabuso sa kaniya sa kama mismo ni Nick. Pinilit umano siya ng singer kahit ilang beses niyang sinabihan ito na ayaw niya. Hindi rin umano gumamit ng condom si Nick nang sandaling iyon.
Inilihim umano Laura ang nangyari dahil wala naman daw maniniwala sa kaniya.
Pagkaraan ng ilang buwan, humingi umano ng patawad sa kaniya si Nick. At nang muli siyang makipagkita, nangyari umano ang ikalawang panghahalay sa kaniya.
Nakasaad din sa demanda ni Laura na, "Nick infected plaintiff with various sexually transmitted diseases, including the human papillomavirus (commonly known as HPV), a sexually transmitted infection known to cause health problems such as cervical cancer.”
Nagpositibo rin siya sa chlamydia at gonorrhea, at cancerous cells, matapos magpatingin sa duktor noong July 2005.
Pagsapit ng Agosto, natuklasan ni Laura na may Stage 2 cervical cancer siya at kinailangang sumailalim sa gamutan. Nagdulot ito sa kaniya ng “severe emotional distress, physical anguish, medical issues, intimacy issues, and other complex trauma.”
Humihingi si Laura ng “damages in excess of $15,000 and is demanding a jury trial,” ayon sa People magazine.
Sa pahayag sa People ni Gianna N. Elliot, abogado mula sa Marsh Law Firm na kumakatawan kay Penly, sinabi nito na, “It takes profound courage and resilience for survivors of sexual assault to publicly come forward in pursuit of justice, particularly in the music industry that has long fostered a pervasive environment of sexual exploitation.”
"Carter used his power, status, and fame to sexually abuse and assault multiple young women and avoid any accountability. This lawsuit aims to change that pattern," dagdag niya.
Umaasa siyang makakamit ni Laura ang hustisya, “and that this lawsuit serves as a catalyst, empowering other survivors to raise their voices and hold their abusers to account.”
Itinanggi naman ni Nick ang mga parating ni Laura, na batay sa pahayag ng kaniyang mga abogadong sina Liane K. Wakayama at Dale Hayes, Jr., hindi kailanman nagkita ang dalawa.
“Nick does not recall ever even meeting Laura Penly. He certainly never had any romantic or sexual relationship with her. Ever," anang kampo ng singer.
“This is just more of the same nonsense from the gang of conspirators and their lawyers who continue to abuse the justice system to try to ruin Nick Carter,” dagdag nila.
“It’s drawn from the same predictable playbook—lie in wait for decades until Mr. Carter is celebrating a professional milestone, then hide behind litigation privilege to make utterly false claims in an attempt to inflict maximum damage on Nick and his family,” sabi pa ng mga abogado ni Nick.
Bukod kay Laura, inakusahan din si Nick ng pang-aabuso nina Melissa Schuman, Ashley Repp, at Shannon Ruth.
Itinanggi rin ni Nick ang mga alegasyon ng tatlo. Nagsampa pa siya ng defamation case noong 2023 laban kina Schuman at Ruth, pero ibinasura ng korte noong 2024 ang reklamo laban kay Repp.
Sisimulan ang kaso ni Schuman sa December, habang sa March 2026 ang mga kaso nina Repp at Ruth.
Nito lang Marso, nagtanghal si Nick sa New Frontier Theater sa Quezon City para sa kaniyang Who I Am concert. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News

